
Nakakatakot ang 7.8 magnitude na lindol na nangyari sa Mindanao nitong Lunes, Hunyo 8. Marami na ang namatay, nasugatan, at hanggang ngayon ay may pinaghahanap pa rin. Apektado rin ang kalusugan ng mga mamamayan dahil sa unti-unting pagkaubos ng kanilang mga suplay.
Ngunit ang mga tao, imbes na makisimpatya, ginawa pang instrumento ang trahedya para sa labanang pampulitika.
Umusbong sa social media ang komentong nag-uugnay sa sakuna at pulitikal na paniniwala ng mga tao. May ilan ang nagsasabing ‘karma’ o ‘parusa’ raw ang lindol dahil karamihan umano sa mga residente ng Mindanao ay sumusuporta sa mga Duterte o mga tinatawag na “DDS.”
Dahil dito, mas lalo lang lumala ang tensyon sa pagitan ng magkaibang panig ng pulitika at nalihis ang dapat tawag ng tulong ng mga naapektuhan tungo sa sisihan. Nakakaawang isipin na umaabot na sa ganitong punto ang mga tao dahil sa hindi pagkakaisa sa partidong sinusuportahan.
Kung tutuusin, wala namang kinalaman ang mga tao sa ganitong uri ng kalamidad dahil hindi naman natin ito nahuhulaan. Ayon sa agham, ang lindol ay sanhi ng paggalaw ng tectonic plates at fault lines sa ilalim ng lupa. Ang Pilipinas ay nasa loob ng Pacific Ring of Fire, isang rehiyong kilala sa madalas na paglindol at pagputok ng bulkan. Ibig sabihin, ang lindol ay isang natural na kalamidad at may pisikal at siyentipikong paliwanag.
Kaya ang sisihin ang ibang tao dahil lang sa hindi pagkakapareho ng partido ay hindi katanggap-tanggap.
Hindi dapat iugnay ang mga natural na kalamidad sa pulitikal na paniniwala ng tao. Ang ganitong pananaw ay napaka-insensitibo at mas nakakadagdag lang sa pagkakahati ng lipunan. Sa panahon ng kalamidad, malasakit at pagkakaisa ang dapat manaig, hindi diskriminasyon at pagdidiin sa mga naapektuhan batay sa kanilang sinusuportahang partido.
Hindi naman bago ang pagkakahati ng lipunan dahil sa pampulitikong opinyon ngunit matuto tayong lumugar. Itaguyod ang tamang diskurso sa paggamit ng social media at huwag maging insensitibo. Sa halip na gamitin ang trahedya bilang pagkakataon upang manghamak ng kapwa, dapat ituon ng publiko ang pansin sa pagtulong at suporta upang makabangon ang mga nasalanta.

