Hindi Terorista ang Aktibista

Jayhard Miro
By Jayhard Miro Graphics by Dew Hanna Ferrer Copyedited by Axel Delino August 1, 2026 at 12:00 AM

Gipit na ang Pilipinas at hirap na rin ang sambayanang Pilipino. Subalit, sa mahigit 117 milyong mamamayan ng bansa, tila iilan lamang ang lumalaban at bumoboses para sa katarungan upang maputol ang ugat ng kasakiman sa pamahalaan.

Hindi ka ba nahihirapan at naaawa na makita ang iyong kapwa na nagdurusa at naghihirap sa bayang sinilangan?

Noong mga nagdaang taon, maraming Pilipino ang nagdusa at nahihirapan dahil sa epekto ng mga maanomalyang proyekto na umano’y para sa kapakanan ng bayan. Ang mga flood control project ay nauwi lamang sa kontrobersiya at pagkadismaya. Ang pondo na dapat sana’y magliligtas sa atin mula sa mga sakuna ay pinagdududahang napunta lamang sa bulsa ng iilan.

Ngayon, sabihin mo—hindi mo pa ba dama ang kawalan ng katarungan at pag-asa na makaahon sa ating demokratikong bansa? O marahil ay nagbubulag-bulagan ka lamang sa katotohanan ng iyong kinatatayuan?

Ayon sa Transparency International, nasa ika-114 ang Pilipinas sa Corruption Perceptions Index noong 2023. Patunay lamang ito na hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakaahon sa suliraning matagal nang bumabalot sa bayan. Hindi ka ba nababahala sa kahihinatnan ng iyong kinabukasan? Papayag ka bang maging multo ang iyong mga pangarap na matagal mo nang nais makamtan?

Habang ang ilan sa atin ay sumasabay sa agos ng maling pamamalakad, ang ating kabataan naman ay nasa lansangan—humihingi ng katarungan at pananagutan.

Noong Abril 19, 2026, sa Toboso, Negros Occidental, nasangkot sa isang insidente ang ilang aktibista at mamamahayag, at kalaunan ay iniuugnay ng mga awtoridad sa mga armadong grupo. Kaya’t ang tanong ng marami, “Terorista ba ang kabataang aktibista?”

Mga kabataang dapat sana’y nag-aaral at naglilingkod sa bayan ang napipilitang manindigan upang ilabas ang katotohanang tila hindi naipapakita ng pamahalaan.

Kaya’t hindi natin maikukubli kung bakit mulat na ang kabataan sa tunay na kalagayan ng bayan.

Nakakasakit isipin na kahit alam na natin ang katotohanan, pinili pa rin nating manahimik dahil sa takot na ma-red-tag ng mga nasa kapangyarihan.

Subalit, alam mo kung ano ang masakit at mapait? Ang magbulag-bulagan sa katotohanan. Nakasaad sa 1987 Philippine Constitution, Artikulo III, Seksyon 4, na may kalayaan tayong ipaglaban ang ating mga karapatang magpahayag at bumoses para sa sambayanan.

Kung patuloy tayong mananahimik, para na rin nating hinahayaan ang mga magnanakaw na nakawin ang ating kinabukasan.

Hindi ka nag-iisa sa laban. Ang kailangan lamang ay paninindigan, tapang, at pagkakaisa upang mawakasan ang katiwalian.

Mga kabataan, kung patuloy tayong mananahimik, nanaisin ba nating maghari ang kasakiman? Kung tunay ngang tayo ang pag-asa ng bayan, wala tayong dapat ikatakot kung kapayapaan at katarungan ang ating ipinaglalaban.

Hindi pader ng katahimikan ang ating kailangan, kundi pader ng pagkakaisa—isang matibay na harang laban sa pagdurusang matagal nang nagpapahirap sa sangkatauhan.

Kung hindi tayo kikilos, kailan? Kung unti-unting ginagapang ang ating buhay ng mga buwayang nakaupo sa pamahalaan, hihintayin mo pa bang milyon-milyong mamamayan ang magdurusa?

Bumoses para sa bayan. Ipaglaban ang katarungan para sa sambayanan. Hangga’t ang ating paninindigan ay nakaugat sa katotohanan, kapayapaan, at pagmamahal sa bayan, hindi ito dapat katakutan kundi pakinggan. Sapagkat kailanman, hindi terorista ang aktibistang nakikipaglaban laban sa katiwalian at kawalang-katarungan.

ABOUT THE WRITER

Jayhard Miro

Jayhard Miro

JourKnows Volunteer

Believing in the power of words to inform, uplift, and inspire, Jayhard Miro is a JourKnows volunteer, student journalist, and opinion writer. He writes about social and political issues, aiming to encourage young readers to stay informed, think critically, and use their voices to create meaningful change. Beyond writing, he enjoys exploring current affairs and ideas that broaden his perspective on society.

Community Discussion