
Ang pagiging tunay sa sarili ang pinakamalakas na anyo ng pagiging lalaki, hindi ang pagkukunwaring akma lang sa pamantayan ng lipunan.
Lingon dito, lingon doon—kahit saan magpunta, nakikisabay sa mga uso ngayon ang ilang kalalakihan sa social media: suot ang “estetik” na damit, higop sa matcha flavor na inumin at nakikinig sa mga kanta ng mga artistang ‘di gaanong kilala sa larangan ng musika. Mahirap makisabay dahil modernisado na ang mundo ngayon pero hindi ito ang dahilan para hindi rin subukan ang mga bagong bagay.
Para sa ilan, ito ang paraan para tanggapin kung sino sila. Bumabagabag ang opinyon sa isipan, pinipigilang maging totoo sa kung sino sila. Kahit ‘di gusto ang kanilang mga ginagawa, para sa likes, comments at shares na ibinabahagi sa plataporma nila, ito ang daan dahil ito ang naaayon sa lipunan. Pakitang-tao kung ituring pero sa tingin nila, ito ang maganda sa paningin ng iba.
Hindi ito ikinababa ng kanilang pagkatao ngunit hindi rin ito ang dahilan para hilahin rin ang nararamdaman ng mga kalalakihan sa kanilang mga sarili. Napapaligiran ng ekspektasyon, dahilan nang hindi maputol-putol na sumpa sa henerasyon.
Kinikimkim ang nararamdaman, hindi pwedeng magpakita ng emosyon—ito ang tingin sa mga kalalakihang “dapat matibay at ‘di kontrolado,” ayon sa mga eksperto. Sa murang edad, natutong hindi magpakita ng takot at pag-iyak sa ibang tao. Ito ay dulot ng pressure sa lipunan at validation culture—isang sukatan ng halaga ng isang kalalakihan. Hindi ito magandang epekto para sa kanila dahil lalo lang lumalala ang kanilang stress, anxiety at depresyon kapag hindi sapat ang pinapakita nila sa mata ng iba.
Isa pa sa kinokonsidera sa pagiging performative male ay ang pag-aayos ng kanilang mga hitsura, pagkain at lifestyle upang maging katanggap-tanggap sa publiko. Handang magwaldas ng libong pera para sa mga branded na bagay at fitness routines—repleksyon na lumalala rin ang insekyuridad at pagiging magastos sa mga bagay na hindi naman talaga kinakailangan.
Bawat tingin sa salamin, hinahanap ang mali at unti-unting humihiwalay ang sarili. Pilit na ikinukumpara ang estilo sa iba kaya nananalaytay ang lungkot na dinarama. Mas malakas man sa pisikal na anyo, maraming kalalakihan ang hindi makalaya sa sariling duda.
Bukod dito, ang patuloy na pagsunod sa uso at pagpapakita para sa iba ay maaaring humantong sa pagkawala ng sariling identidad. Akma nga sa pamantayan ng iba, dumadampi naman ang lungkot sa mukha.
Walang masama sa pag-aayos ng sarili o pagsunod sa uso pero kung iisipin ang opinyon ng nakararami, tiyak na magiging hadlang ito sa tunay na kalayaan ng isang kalalakihan. Ang tunay na halaga ay hindi nasusukat sa dami ng likes, branded na gamit o pagsunod sa uso, kundi sa kakayahang tanggapin at mahalin ang sarili sa kabila ng inaasahan ng iba.

