Gatchalian, tinanggap ang paumanhin kaugnay ng ‘wacky photos’

Casey Zyren Javal
By Casey Zyren Javal • Graphics by Joshua Lian Cawilan • November 4, 2026 at 12:00 AM

Tinanggap ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian noong Biyernes, Oktubre 16, ang paghingi ng paumanhin ni House Panel Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro kaugnay ng mga nakakatawang litratong kinuha umano sa session hall ng Senado sa Maynila. 

Humingi ng paumanhin si Luistro noong Huwebes, Oktubre 15, matapos kumalat online ang mga litrato na nagpapakita ng mga miyembro ng prosecution panel na nag-pose nang nakakatawa sa loob ng session hall. 

Paliwanag ni Luistro, ang mga larawan ay pagpapahayag lamang ng tunay na kagalakan ng magkakaibigang matagal nang magkasama sa paghahanda sa impeachment case ng Bise Presidente Sara Duterte. 

“It was indeed an expression of joy among genuine friends after long days of preparation and trial,” ayon kay Luistro. 

Gayunpaman, binigyang-diin ni Gatchalian na hindi sapat ang paghingi ng paumanhin upang tuluyang isara ang usapin dahil kinakailangang matiyak kung totoo ang mga naturang kilos sa loob ng session hall. 

Ipinaliwanag ni Gatchalian na may mahigpit na pamantayan sa wastong pag-aasal sa session hall dahil nagsisilbi itong lugar para sa mahahalagang talakayan at paglilitis na nangangailangan ng paggalang. 

Bagama’t tinanggap niya ang paghingi nito ng paumanhin, sinabi ni Gatchalian na maaari pa ring maglabas ng babala laban sa mga sangkot upang ipaalala ang responsibilidad ng mga mambabatas na igalang ang institusyon. 

“May warning pa rin kasi nangyari na ‘yun. Just to put it on record,” dagdag pa ni Gatchalian. 

Samantala, iniimbestigahan din ng Senado ang isang hiwalay na insidente ng umano’y pagsasayaw sa loob ng gusali na kinasasangkutan ni dating Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo at isang vlogger.

“Akala ko talaga AI eh. But I want to make sure na mayroong CCTV para sigurado tayo,” ayon kay Gatchalian.

Kasalukuyang kinukumpirma ng Senado ang mga ulat bago gumawa ng mga hakbang habang inaasahan ang opisyal na resulta ng pagsusuri upang matukoy kung sino ang dapat bigyan ng babala.

ABOUT THE WRITER

Casey Zyren Javal

Casey Zyren Javal

JourKnows Volunteer

Casey Zyren Javal serves as a JourKnows Volunteer under the News Desk Department.

Community Discussion