DepEd, ilulunsad ang Digital School Safety Campaign vs mga panganib online

David Jhon D. Soriano
By David Jhon D. Soriano • Graphics by Joshua Lian Cawilan • November 4, 2026 at 12:00 AM

Kasalukuyang isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang Digital School Safety Campaign upang palakasin ang proteksyon ng mga mag-aaral laban sa mga panganib sa internet at hikayatin ang responsable at ligtas na paggamit ng mga digital platform.

Ayon sa anunsiyong inilabas ng Presidential Communications Office (PCO) noong  Setyembre 22, 2026, layunin ng kampanya na paigtingin ang kaalaman ng mga mag-aaral, guro, at magulang tungkol sa kaligtasan sa digital na kapaligiran.

Bahagi ang programa sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan sa loob at labas ng paaralan. Kabilang sa mga pangunahing layunin nito ang pagtuturo sa mga mag-aaral ng wastong paggamit ng internet at pagkilala sa mga posibleng panganib sa online platforms.

Sa panahon kung kailan madalas na ginagamit ang teknolohiya sa komunikasyon, pananaliksik, at pag-aaral, mahalagang malaman ng mga kabataan kung paano protektahan ang kanilang personal na impormasyon at maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa internet.

Kabilang sa mga dapat bigyang-pansin ang pagkalat ng maling impormasyon, cyberbullying, mapanlinlang na mensahe o mga phishing emails at messages, at hindi awtorisadong paggamit ng personal na datos. Mahalaga ring maunawaan ng mga mag-aaral na hindi lahat ng nakikita o nababasa online ay totoo at mapagkakatiwalaan.

Mahalaga rin ang papel ng mga guro at magulang sa paggabay sa mga kabataan. Sa pamamagitan ng bukas na komunikasyon at wastong kaalaman, mas madaling matutukoy ng mga mag-aaral ang mga kahina-hinalang online na aktibidad at malalaman nila kung kanino dapat humingi ng tulong kapag may nararanasang problema.

Samantala, inaasahang makatutulong ang kampanya sa pagbuo ng mas ligtas na kapaligiran sa pag-aaral, lalo na habang patuloy na ginagamit ang mga digital tool sa edukasyon. Gayunpaman, mahalagang matiyak na ang mga programa ay hindi lamang nakatuon sa pagbibigay ng impormasyon kundi pati sa patuloy na paggabay at pagpapatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Sa huli, ang digital safety ay hindi lamang responsibilidad ng paaralan o pamahalaan. May tungkulin din ang bawat mag-aaral na maging responsable sa paggamit ng teknolohiya, igalang ang kapwa sa online na pakikipag-ugnayan, at mag-isip bago magbahagi ng impormasyon.

Sa patuloy na paglawak ng paggamit ng internet, mahalagang matiyak na kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ang pag-unlad ng kaalaman, disiplina, at pananagutan ng mga estudyante at kabataang Pilipino.

ABOUT THE WRITER

David Jhon D. Soriano

David Jhon D. Soriano

JourKnows Volunteer

David Jhon Soriano serves as a JourKnows Volunteer under the News Desk Department

Community Discussion