Medalya ng Pagdurusa

Jayhard Miro
By Jayhard Miro September 9, 2026 at 12:00 AM

May problemang hindi nasusukat sa kakulangan ng semento, bakal, o bubong. Nasusukat ito sa bilang ng batang natututong magkasya sa espasyong hindi naman dapat pinipiga.

Ayon sa Department of Education, umabot sa 165,443 ang kulang na silid-aralan sa mga pampublikong paaralan noong 2023. Ayon naman sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), kailangan ng bansa ng humigit-kumulang 7,000 bagong silid-aralan bawat taon, sa loob ng susunod na 15 taon, para lamang matugunan ang backlog na ito.

Malaki ang numero. Pero mas madaling unawain ang isang batang naghahanap ng sariling upuan kaysa sa anumang estadistika.

Naranasan ko na ring pumasok sa silid-aralan kung saan kailangang magbigay-daan ang bawat estudyante para lang magkasya ang lahat. “Nakakaraos naman,” sabi ng iba. Pero sa gitna ng pagsisiksikan, isang tanong ang tumatak sa isip ko: bakit kailangan pa naming masanay dito?

Bakit palaging kailangang may paraan ang Pilipino?

Kapag binaha, naglilinis. Kapag sinalanta ng bagyo, muling tumatayo. Kapag nawalan ng kabuhayan, naghahanap ulit ng ikabubuhay. Kaya naman kapag nakita natin ang gayong pananatili, agad nating naisasambit: “Matatag talaga ang Pilipino.”

Pero baka hindi lang sa gitna ng sakuna dapat natin hanapin ang katatagang ito. Nandiyan din ito sa estudyanteng pumapasok kahit siksikan ang silid-aralan. Sa gurong nagtuturo kahit kapos sa gamit. Sa paaralang naghihintay sa proyektong ipinangako noon pa, pero hanggang ngayon, wala pa ring dumarating.

At doon dumarating ang mas mahirap na tanong: kailan naging papuri ang salitang “matatag” sa isang bagay na hindi naman dapat kinakailangang tiisin?

Hindi masama ang pagiging matatag. Kahanga-hanga ang taong bumabangon sa gitna ng hamon. Pero may malaking agwat sa pagitan ng pagiging matatag at ng pagiging sanay lang sa kakulangan.

Kapag kulang ang silid-aralan, natututo tayong magsiksikan. Kapag kulang ang gamit, nakikuntento tayo sa kaunti. Kapag hindi natupad ang isang proyekto, naghahanap ulit tayo ng ibang paraan. At dahil laging may nahahanap, sapat na sa marami ang salitang “madiskarte.”

Pero bakit palaging ang taumbayan ang dapat dumiskarte? Bakit hindi ang sistema ang dapat maging mahusay?

Dito dapat magsimula ang tunay na pagbabago: hindi sa pagtuturo sa mga Pilipino kung paano lalong magtiis, kundi sa pagtiyak na hindi na kailangang magtiis para lang makuha ang serbisyong dapat ay karapatan na nila mula pa noon.

Kailangang malinaw kung saan napupunta ang pondo para sa mga silid-aralan. Kailangang subaybayan ng publiko ang bawat ipinangakong proyekto, mula sa paglalaan ng badyet hanggang sa aktuwal na pagkumpleto. At higit sa lahat, kailangan ng pananagutan kapag ang nasa papel ay hindi makita sa totoong paaralan.

Hindi sapat na may plano. Hindi sapat na may pondo. Dapat, sa huli, may silid-aralan.

Sapagkat ang tunay na solusyon ay hindi bagong paraan para matiis ang problema, kundi isang sistemang tumitiyak na hindi na ito maipapasa sa susunod na henerasyon. Dahil kapag nasa dokumento lang ang silid-aralan pero wala naman sa paaralan, may karapatan tayong magtanong: nasaan ba talaga ang sinasabing bahay ng karunungan?

Ang paaralan ay hindi lang gusali. Dito nakaupo ang batang may pangarap. Dito nagtuturo ang gurong humuhubog ng kinabukasan. Dito nagsisimula ang mga posibilidad na maaaring magbago ng isang buhay. Kaya kapag hindi dumating ang pasilidad na ipinangako, hindi lang espasyo ang nawawala. Nawawala rin ang oras, ang pagkakataon, ang pangarap.

Siguro dito nagiging delikado ang labis nating paghanga sa kakayahan ng Pilipinong makaraos. Kapag laging hinahangaan ang taong marunong magtiis, baka nakakalimutan nating tanungin kung bakit siya kinailangang magtiis. Kapag sinasabi nating “kaya naman nila,” baka hindi na natin napapansin na may mga bagay na hindi dapat kinailangang kayanin.

Kahanga-hanga ang batang nakapag-aaral sa kabila ng kakulangan. Pero mas makabuluhang itanong: bakit siya kinailangang matutong mabuhay sa kakulangan habang hinahabol ang pangarap? Kahanga-hanga ang gurong patuloy na nagtuturo sa kabila ng limitasyon. Pero hindi ba mas nararapat na ang tinatawag nating mga bayani sa silid-aralan ay bigyan na lang ng mga kagamitang hindi na mangangailangan ng ganitong pagtitiis?

Sapagkat hindi dapat maging sukatan ng mahusay na sistema kung gaano katatag ang mga taong nabubuhay sa ilalim nito. Mas makikita ang tunay nitong husay sa kung gaano nito binabawasan ang dahilan para kailanganin pa nilang maging matatag.

Hindi natin kailangang alisin ang pagkakakilanlan natin bilang bayang marunong bumangon. Kailangan lang nating maging mas maingat sa paggamit ng salitang ipinagmamalaki natin. Sapagkat ang “Matatag ang Pilipino” ay maaaring maging papuri. Pero maaari rin itong maging tahimik na tabing sa harap ng problemang matagal nang nakalatag.

Kaya sa susunod na makita natin ang batang nakikisiksik sa silid-aralan, ang gurong nagtuturo kahit kapos, o ang proyektong ipinangako noon pa pero hindi pa rin nadadalaw ng katuparan, baka hindi na “Matatag ang Pilipino” ang unang dapat sambitin.

Baka sapat na, sa sandaling iyon, na tayo lang ay manahimik. Tumingin. At itanong kung bakit ang pagtitiis ay kailangan pang isuot na parang medalya.

ABOUT THE WRITER

Jayhard Miro

Jayhard Miro

JourKnows Volunteer

Believing in the power of words to inform, uplift, and inspire, Jayhard Miro is a JourKnows volunteer, student journalist, and opinion writer. He writes about social and political issues, aiming to encourage young readers to stay informed, think critically, and use their voices to create meaningful change. Beyond writing, he enjoys exploring current affairs and ideas that broaden his perspective on society.

Community Discussion