
Umabot na sa ₱4.38 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dulot ng pinaigting na Habagat at apat na bagyo, ayon sa Department of Agriculture (DA) ngayong Martes, batay sa pinal nitong pagtataya para sa panahong ito.
Ayon sa DA, apektado ng Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng, at Pilandok ang 99,663 magsasaka at mangingisda sa walong rehiyon: Cordillera, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, at Western Visayas.
Ayon sa mga regional office ng DA, 81,511 ektarya ng sakahan ang naapektuhan, habang tinatayang 102,791 metriko tonelada ng produksiyong agrikultural ang nasira o nawala.
Pinakamalaking pinsala na naitala ay sa produksyon ng palay na umabot sa ₱2.05 bilyon, katumbas ng halos 47 porsiyento ng kabuuang pinsala, karamihan sa mga pananim na nasa vegetative at reproductive stages.
Sumunod ang high-value crops, kabilang ang gulay, pampalasa, legumes, calamansi, papaya, pakwan, saging, at root crops, na nagtala ng ₱1.38 bilyon na pinsala at pagkalugi.
Nasa ₱647.79 milyon naman ang naitalang pinsala sa fisheries.
Kabilang din sa mga naapektuhan ang mais, cassava, livestock at poultry, gayundin ang agricultural infrastructure tulad ng irrigation facilities, farm structures, machinery, at equipment. Hindi na hiniwa-hiwalay ng DA ang mga eksaktong halaga para sa mga kategoryang ito sa pinakahuling ulat.
Mas mataas ang bagong kabuuang halaga kumpara sa ₱4.13 bilyon na iniulat ng DA noong Setyembre 6, nang 97,589 magsasaka at mangingisda ang naitalang apektado.
Bilang tugon, sinabi ng DA na naghanda na ito ng ₱609.79 milyon na halaga ng agricultural inputs, kabilang ang binhi ng palay, mais, at gulay, gayundin ang iba pang planting materials, upang matulungan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Sinabi rin ng ahensya na maaaring makinabang ang mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda sa insurance assistance at emergency financing. Naunang naglaan ang Philippine Crop Insurance Corp. ng ₱187 milyon para sa insurance claims ng mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at pagbaha.

