
“Your dreams don’t live at home.”
Madaling araw, mulat na ang iyong mga mata at handa nang gumawa ng bagong simula. Hindi para sumakay ng bus papuntang Maynila, kundi para bumiyahe sa parehong kalsadang ilang taon mo nang kabisado.
Matagal nang ipinapangako ng pag-alis ang isang magandang bersyon ng buhay: ang unibersidad na iyong pinapangarap, trabahong may mataas na sahod, at mga oportunidad na naghihintay lamang sa kabilang dulo ng iyong biyahe.
Ang Ain’t in LA ni Adéla ay umiikot sa paghahangad ng tagumpay at patuloy na paghahabol sa mga pangarap, saanman ito dalhin ng isang tao. Sa kanta, ramdam ang kagustuhang makawala at hanapin ang isang buhay na mas malapit sa sariling pangarap.
“I know you might wanna escape.”
Para sa maraming kabataan, pamilyar ang ganitong pakiramdam. Sa social media at sa mga kuwento ng mga taong umalis para mag-aral o magtrabaho, madalas lumilitaw ang ideya na ang pag-alis ay bahagi ng tagumpay.
Sa Maynila, kung saan mahigit 1.9 milyong residente ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), madaling makita kung bakit ito itinuturing na lugar ng oportunidad. Mas malaking lungsod, mas maraming oportunidad; mas malayo sa pinanggalingan, mas malayo rin ang mararating.
Ngunit sa gitna ng pressure na sumabay sa nakasanayang depinisyon ng tagumpay, may isang linyang tila sumasalungat dito:
“I’d rather be a nobody than to be like everyone.”
May mga biyaheng hindi mo kailangang sabayan. Iba-iba ang daan. Iba-iba ang tinatahak. Kaya, kailangan mo munang hanapin kung ano ang tingin mong para sa iyo.
At sa bawat pagpiling umalis, may presyong kailangang bayaran.
Pamasahe, renta, pagkain, matrikula at transportasyon—patong-patong na gastusin at hindi sasapat ang ₱718 hanggang ₱755 na minimum wage sa NCR, depende sa sektor. Ang “lumuwas para mag-aral” ay hindi simpleng desisyon tungkol sa edukasyon; isa rin itong desisyon tungkol sa kung ano ang kayang isakripisyo sa budget.
At hindi lahat ay may kakayahang bayaran iyon.
May mga kailangang magtrabaho muna para magkapera. May mga kursong kailangang palitan dahil walang paaralang nag-aalok nito. May mga pagkakataong kailangang tumanggi dahil may pinag-iipunan.
Hindi ito kawalan ng ambisyon.
Ito ang anyo ng responsibilidad.
At maaari rin itong maging paraan para hindi tuluyang mawala ang pangarap.
Dahil hindi naman lahat ng pangarap ay kailangang habulin sa ibang lugar. May mga taong nananatili dahil kailangan nilang tumulong sa pamilya, magtrabaho, o mag-ipon para sa kinabukasang nais nilang buuin.
Sa puntong ito, nagiging mas makabuluhan ang kantang Ain’t in LA. Hindi lamang ito tungkol sa pagnanais na umalis, kundi sa pagiging hindi mapakali ng isang taong gustong makawala sa limitasyon ng kaniyang pinanggalingan. At marahil, dito rin nagkakaroon ng ibang kahulugan ang kanta para sa mga nakikinig dito.
Ang “escape” ay maaaring literal na pagtakas.
Pero maaari rin itong maging pagtakas sa takot, kakulangan, o paniniwalang hanggang doon na lamang ang kaya mong marating.
Kung si Adéla ng Slovakia ay nakaalis sa kaniyang pinagmulan upang tuparin ang kaniyang pangarap, hindi nangangahulugang kailangan mo ring lumisan upang matupad ang iyo.
Dahil hindi lahat ng paglisan ay may kapalit na pag-asenso.
At hindi lahat ng pananatili ay nangangahulugang napag-iiwanan ka.
May mga pangarap na natutupad sa malalaking lungsod. Mayroon ding mga pangarap na lumalaki sa tahanang unang nagturo kung paano mangarap.
Sa iyo mismo nagsisimula ang mga pangarap mo.
Ika nga, the baddest B ain’t in LA but everywhere.

