
Kung ang pag-ibig ay mapagpalaya, mapagpatawad, at puno ng pang-unawa, kaya ba nitong tanggapin ang pagmamahal ko sa kapwa kawangis ng kulay na aking pagkakakilala? Sapagkat, ang paghanga na ito ay walang hinahangad na gintong medalya o sentro ng pagbubunyi, kundi ang pagtanggap na ito’y katulad din ng karaniwang deskripsyon sa isang drama.
Makulay at punong-puno ng buhay ang sinag ng bawat hibla ng isang bahaghari. Hindi maikubli ang hiwagang taglay nito, at pinagmamasdan mismo ng sariling mga mata. Ngunit kung gaano man ito kamangha, palagi itong nagsisimula sa unos ng alapaap, bago mabuo ang perpektong guhit ng mga tinta. Ang mga kulay na ito ay hindi iisa; pitong sangkap na sumisimbolo kung paano ito nabuo sa malayang kalangitan—pula para sa pusong umaalab, kahel para sa taimtim na pag-asa, dilaw sa kaligayahan na tinatamasa, berde sa pagpapagaling ng loob, asul sa lalim ng damdamin, indigo para sa misteryoso ng damdamin, at lila sa pagbabagong-loob.
Napapawis na mga kamay at nanginginig na tinig sa pagbigkas ng salita—tagpong hindi mawawala sa tuwing may nagtatanong kung sino ang iyong iniibig. Hindi mawari kung magiging tapat na lamang o kung magsisinungaling upang hindi masisi sa sinasabing baluktot na pag-ibig. Subalit, ang pagsintang ito’y hindi nalilimitahan ng kahit ano mang pamantayan, sapagkat hindi nito kailangang umayon sa kung ano mang ipinipilit na normal upang matawag na totoong pagmamahal. Nais kong makasama ka sa paghakbang nang walang takot at pangamba, na walang sumisigaw na tayo’y tatamaan ng kidlat o malunod sa init ng pagkakasala. Nais kong ang pag-giliw na ito ay magagamitan rin ng matatalinghagang salita at hindi nagtatago sa anino ng anumang mapanghusga.
Walang alinlangan, ibubuhos ko ang kulay ng aking kalooban upang iparating sayo na ika’y hindi naiiba sakin. Kung ikaw man ay pula na masidhing lumiliyab at nag-uumapaw, hayaan mong tawirin ko ang pagitan natin. Hindi ko alintana kung paano inilalarawan ang iyong nakakapasong pagyapos sa pusong buhay at tumitibok. ‘Di bale na kung ano ang iyong kulay sa bahaghari, sapagkat ang pagiging parte nito ay kahanga-hanga, dahil ito’y sumasalamin sa diwa ng pagkatao ang sinag ng pahalang tinta.
Itong pag-ibig ay maihahalintulad sa isang espadang may dalawang talim na kayang bitbitin ang pusong nasa bingit ng hangganan. Taglay nito ang takot na dinadala sa isang pagmamahal na labas sa pang-unawa, ngunit kasabay rin nito ang pagpusta sa isang maliwanag na bukas. Ito ang kakayahang lampasan ang delubyo na dinadala, at pagmasdan ang pagsilang ng pambihirang ningning ng bahaghari. Sapagkat ito mismo ay bahagi ng mundo—kakaiba, makapigil-hininga ang ganda, at hindi mawari kung saan nagsisimula at nagwawakas.

