Kaunlaran sa Timbangan

Jayhard Miro
By Jayhard Miro Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by JD Daquiz July 24, 2026 at 12:00 AM

Sa bawat panahong naghahangad ang bansa ng pag-unlad, may mga proyektong ipinakikilala bilang susi sa mas maunlad na kinabukasan. Isa na rito ang planong pagtatayo ng Pax Silica sa New Clark City.

Ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ilalaan ang humigit-kumulang 1,620 ektarya (4,000 acres) sa Capas, Tarlac upang maging kauna-unahang AI-native industrial acceleration hub sa mundo, na inaasahang magiging sentro ng artificial intelligence, semiconductor, at advanced manufacturing sa Pilipinas.

Sa unang tingin, mahirap tutulan ang isang proyektong nangangako ng trabaho, pamumuhunan, at mas mabilis na pag-unlad. Sino ba naman ang ayaw ng oportunidad para sa mga Pilipino? Ngunit ang tunay na tanong ay hindi kung may benepisyo ito, kundi kung sino ang tunay na makikinabang at sino ang posibleng magsakripisyo.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), mahigit 20 lokal at dayuhang kumpanya na ang nagpahayag ng interes na mamuhunan sa Pax Silica. Inaasahan ding makalilikha ito ng mahigit 100,000 trabaho kapag ganap nang naipatupad—isang malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.

Kapag may malaking industriyang itinatayo, kasabay nitong lumalaki ang pangangailangan sa tubig at kuryente. Hindi na bago sa maraming Pilipino na ang ilang lugar sa bansa, kabilang ang Metro Manila, Bulacan, at ilang bahagi ng Cavite, ay nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig, lalo na tuwing tag-init at panahon ng matinding tagtuyot. Ani pa ng World Resources Institute (Aqueduct Water Risk Atlas), kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nakararanas ng high water stress, kung saan mahigit 40% ng available water supply ang ginagamit taon-taon. Sa kabilang banda, ayon sa International Energy Agency (IEA), ang mga AI data center at semiconductor facilities ay kabilang sa mga industriyang may napakataas na konsumo ng kuryente at tubig para sa kanilang operasyon at cooling systems.

Sa katunayan, ayon sa Brookings Institution, ang isang karaniwang data center ay gumagamit ng humigit-kumulang 300,000 galon ng tubig kada araw. Samantala, ang mas malalaking hyperscale AI data centers ay maaaring gumamit ng hanggang 5 milyong galon ng tubig bawat araw—katumbas ng pangangailangan sa tubig ng isang bayang may 10,000 hanggang 50,000 katao.

Dagdag pa rito, ayon sa isang pag-aaral na inilathala ng Oxford Academic, tinatayang ang isang 300-megawatt (MW) data center ay maaaring mag-evaporate ng humigit-kumulang 3 milyong galon ng tubig kada araw para lamang sa cooling systems. Bagaman wala pang inilalabas na opisyal na water consumption projections para sa Pax Silica, ipinakikita ng mga datos na ang malalaking AI at semiconductor facilities ay may napakalaking pangangailangan sa tubig, kaya mahalagang tiyakin na hindi ito makaaapekto sa suplay para sa mga komunidad at agrikultura. Kung magdadagdag tayo ng isang proyektong nangangailangan ng ganitong kalaking konsumo, handa ba ang ating mga sistema na tugunan ito nang hindi naaapektuhan ang suplay para sa mga ordinaryong Pilipino?

May nagsasabing may sapat namang plano ang pamahalaan at mga developer upang tugunan ang pangangailangan sa tubig, enerhiya, at iba pang utilities. Ayon sa National Water Resources Board (NWRB) at sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), sapat ang kasalukuyang pinagkukunan ng tubig sa lugar at mananatiling prayoridad ang pangangailangan ng mga residente habang isinasagawa ang mga kinakailangang pag-aaral at paghahanda sa imprastraktura. Samantala, nakikipag-ugnayan din ang BCDA sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa pagtatayo ng isang dedicated power substation sa New Clark City upang matugunan ang inaasahang pagtaas ng demand sa kuryente.

Kung maisasakatuparan ang mga planong ito, maaari itong magbunga ng bagong imprastraktura, mas maraming trabaho, pag-unlad ng lokal na ekonomiya, at makahikayat pa ng iba pang mamumuhunan na magpapalakas sa industriya ng bansa.

Gayunpaman, nananatiling mahalagang tanong kung magiging sapat ang mga hakbang na ito habang patuloy na tumataas ang pangangailangan sa tubig at kuryente.

Hindi rin natin maikakaila ang tanong na patuloy na bumabagabag sa ating isipan na kung lalaki ang konsumo sa tubig at kuryente, “Sino ang unang makararamdam kapag nagkulang ang suplay?” Tayo pa ring mga ordinaryong mamamayan. Ayon sa Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), nananatiling kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na presyo ng kuryente sa Timog-Silangang Asya. Bagaman wala pang ebidensyang nagpapatunay na ang Pax Silica mismo ang magpapataas ng singil sa kuryente o tubig, anumang malaking dagdag sa demand ay nangangailangan ng sapat na kapasidad ng ating power grid at water infrastructure upang hindi maapektuhan ang publiko.

Isipin natin ang isang simpleng pamilya. Isang ama ang nagtatrabaho sa minimum wage, isang inang nagtitipid sa bawat gastusin, at mga anak na nag-aaral gamit ang ilaw sa gabi. Kapag nagkulang ang suplay ng tubig o nagkaroon ng pressure sa sistema ng enerhiya, ang unang maaapektuhan ay ang mga karaniwang mamamayan. Hindi lamang kaginhawaan ang maaaring mawala—pati kabuhayan at kalusugan ay maaaring malagay sa alanganin.

Hindi nangangahulugang tutol tayo sa pag-unlad. Ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa laki ng gusali o dami ng investor. Nasusukat ito sa kakayahan nitong pagandahin ang buhay ng nakararami nang hindi isinasakripisyo ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan.

Kung itutuloy man ang Pax Silica, dapat malinaw ang pananagutan. Dapat may sapat na pag-aaral sa epekto nito sa suplay ng tubig, kapasidad ng ating power grid, at epekto sa kapaligiran. Hindi sapat ang pangako. Kailangan ng konkretong plano, malinaw na datos, at transparency upang mapanatili ang tiwala ng publiko. Kaya naman nananawagan ang iba’t ibang environmental advocates at policy experts na ilabas ang kumpletong Environmental Impact Assessment (EIA), water demand projections, at energy requirements ng proyekto bago ito ganap na maisakatuparan.

Bilang mamamayan, hindi natin tungkuling tutulan ang bawat proyekto. Ngunit tungkulin nating magtanong, magsuri, at mapanagot ang mga may kapangyarihan. Ang pag-unlad ay hindi dapat nakabatay sa pag-asa lamang kundi sa matibay na ebidensya at maingat na pagpaplano.

Hindi masama ang mangarap ng pag-unlad. Ngunit ang pag-unlad na tunay ay hindi lamang nasusukat sa dami ng mamumuhunan, taas ng mga gusali, o laki ng ekonomiya. Nasusukat ito sa kakayahan nitong iangat ang buhay ng bawat Pilipino nang hindi isinasakripisyo ang kanilang pangunahing pangangailangan. Kaya’t nararapat lamang na isulong ang anumang proyekto kung mapatutunayang hindi nito ilalagay sa alanganin ang ating suplay ng tubig, kuryente, kalikasan, at kabuhayan. Sapagkat ang kaunlarang walang pananagutan ay hindi progreso—isa lamang itong pangakong maaaring mauwi sa kapalit na hindi kayang bayaran ng ordinaryong Pilipino.

Tandaan na ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa dami ng mga gusaling naitatayo, kundi sa lawak ng ating napangangalagaan. Ang bawat hakbang tungo sa pag-unlad ay may kaakibat na bigat, at bawat desisyong ating ginagawa ay may katumbas na pananagutan. Kaya kapag tuluyan nang bumaba ang timbangan, alin kaya ang mas mananaig—ang bigat ng mga pangako o ang bigat ng kapakanan ng bayan?

ABOUT THE WRITER

Jayhard Miro

Jayhard Miro

JourKnows Volunteer

Believing in the power of words to inform, uplift, and inspire, Jayhard Miro is a JourKnows volunteer, student journalist, and opinion writer. He writes about social and political issues, aiming to encourage young readers to stay informed, think critically, and use their voices to create meaningful change. Beyond writing, he enjoys exploring current affairs and ideas that broaden his perspective on society.

Community Discussion