Pinaka-abusadong tao sa bahay

Alexis Pabello
By Alexis Pabello June 30, 2026 at 12:00 AM

Lumaki akong hindi kabisado ang tunog ng kaniyang tawa. Hindi ko rin alam kung paano siya magkuwento bago matulog o kung ano ang paborito niyang kanta habang nasa trabaho. Madalas kasi, kapag nagigising ako, wala na siya. Kapag natutulog naman ako, saka pa lamang siya umuuwi.

Kaya noong bata pa ako, akala ko wala siyang pakialam.

Akala ko mas mahal niya ang trabaho kaysa sa amin.

Akala ko pinipili niyang mapalayo.

Ngunit habang tumatanda ako, unti-unti kong natutunang basahin ang mga bagay na hindi niya kailanman sinabi.

Nakita ko ang mga kupas na polong paulit-ulit niyang isinusuot habang kami ay may maayos at bagong uniporme tuwing pasukan. 

Nakita ko ang mga sapatos niyang halos bumuka na ang swelas kahit kaya niya namang bumili ng bago.

Nakita ko kung paano niya ipinagpapaliban ang sarili niyang pangangailangan upang mauna ang amin.

At doon ko napagtanto. Abusado pala si Papa. Inabuso niya ang kaniyang katawan sa mahabang oras ng pagtatrabaho.

Inabuso niya ang kaniyang mga kamay sa pagbubuhat ng mga responsibilidad na hindi naman niya kailangang pasanin nang mag-isa.

Inabuso niya ang kaniyang mga pangarap upang mauna ang mga pangarap naming mga anak.

Inabuso niya ang kaniyang pagod, dahil kahit halos hindi na makatayo, kinabukasan ay babangon pa rin siya para sa pamilya. 

Nakakainis nga kung minsan. Bakit hindi siya marunong magpahinga? Bakit hindi niya unahin ang sarili niya kahit minsan? Bakit tila handa siyang maubos para lamang mapuno kami?

Hindi ko alam kung kailan nagsimulang maging ganito ang mga ama. Marahil noong unang beses nilang marinig ang salitang “Papa.”

Marahil noong unang beses nilang mahawakan ang maliit na kamay ng kanilang anak.

O marahil noong araw na pinili nilang maging sandigan kahit walang kasiguraduhang may sasalo rin sa kanila.

Hindi lahat ng ama ay perpekto.

May mga pagkakataong nagkukulang sila. May mga pagkakataong hindi nila alam kung paano ipapakita o ipaparamdam ang pagmamahal. May mga sugat na naiiwan ang katahimikan, at may mga distansyang hindi madaling tawirin.

Ngunit may mga ama ring nagmamahal sa paraang hindi na kailangan pang sambitin.

Mga amang ipinapahayag ang “Mahal kita” sa bawat oras na kanilang ipinapasok sa trabaho.

Sa bawat gabing puyat. Sa bawat pagtitipid. Sa bawat sakripisyong hindi na nila ipinagsasabi. At hindi lamang sila.

May mga ama-amahan na piniling magmahal kahit hindi nila kailangang gawin. May mga single dad na parehong naging ama at ina sa kanilang mga anak. At may mga ina na buong tapang na nagpakatatay upang walang maramdamang kakulangan ang kanilang pamilya.

Sila ang mga taong tahimik na nakikipagbuno sa buhay upang may maihain sa hapag. Mga taong hindi humihingi ng medalya. Hindi naghahanap ng palakpak.

At kadalasan, hindi mhaan lamang naririnig ang simpleng “salamat.”

Kaya ngayon, gusto kong itama ang sinabi ko. Hindi pala abusado si Papa.

O baka oo.

Abusado siya sa pagmamahal.

Sobra-sobra.

Yung tipong handang mapagod, masaktan, at maubos para lamang matiyak na may sapat kaming lakas upang abutin ang aming mga pangarap.

At kung may isang bagay man akong natutunan sa kaniya, ito iyon:

May mga taong hindi marunong magsabi ng “Mahal kita.”

Ngunit buong buhay nila itong ipinapakita.

ABOUT THE WRITER

Alexis Pabello

Alexis Pabello

JourKnows Volunteer

Alexis Pabello serves as a JourKnows Volunteer under the Features & Lifestyle Department

Community Discussion