
Nakababahalang isipin na ang paaralan na dapat ay simbolo ng kaligtasan, pagkatuto, at pag-asa ay unti-unti nang nagiging lugar ng takot at pangamba. Kung maging ang kanilang ikalawang tahanan ay hindi na maituturing na ligtas na lugar, saan pa nga ba maaaring matagpuan ng mga mag-aaral ang kapayapaan?
Sunod-sunod na insidente ang naganap sa mga paaralan sa loob lamang ng unang dalawang linggo ng pasukan—barilan, saksakan, at maging sexual harassment. Mga pangyayaring hindi kailanman dapat nasasaksihan sa mga lugar na itinuturing na pugad ng kaalaman at seguridad. Sa bawat insidenteng nagaganap, unti-unting nababasag ang tiwala ng mga mag-aaral at mga magulang sa kakayahan ng mga paaralan na protektahan ang mga mag-aaral.
Sabi nila “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” ngunit paano kung sa lugar pa lamang kung saan hinuhubog ang kanilang kakayahan ay nabalutan na agad sila ng karahasan. Sa halip na pagkatuto ang kanilang mapagtuunan, napipilitan silang isipin kung ligtas ba silang makakauwi sa pagtatapos ng araw.
Kulang ang dasal para sa kaligtasan ng buhay kung ang panganib ay hinahayaang makapasok sa mismong lugar ng pagkatuto. Masakit tanggapin na ang mga paaralang itinayo upang humubog ng pangarap at kinabukasan ay nagiging saksi sa mga karahasan at maging sa ilang buhay at pangarap na nasayang.
Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang simpleng pakikiramay at pakikiluluksa sa mga magulang na nawalan ng anak kung ang mga trahedyang ito ay patuloy na nauulit.
Ang bawat insidente ay hindi lamang dapat magtapos sa mga kandila, bulaklak, at salita ng pakikiramay, kundi dapat magbunsod ng konkretong pagbabago. Sapagkat ang buhay ng mga mag-aaral ay hindi maaaring gawing paulit–ulit na sakripisyo sa ilalim ng sistemang tila hindi natututo. Kung patuloy na magbibingi-bingihan ang mga kinauukulan sa panawagan ng aksyon, ang pananahimik ay magiging kasabwat lamang ng karahasan.

