
Pasensya kung ika’y natulak ko palayo,
Hindi dahil hindi ka sapat,
Kundi dahil nasanay akong mag-isa.
Kapag may lumalapit,
Natututo akong umatras,
Kapag may nagmamahal,
Nagtatago ako na parang duwag.
Paano mo ako magiging tahanan
Kung buong buhay ko’y pinili kong lagyan ng kandado ang mga pintuan?
Paano mo ito bubuksan
Kung ang susi ay itinapon ko?
Noong ako’y nahuhulog na,
Hinawakan mo ang aking mga kamay,
Ngunit ako mismo ang bumitaw.
Hindi mo kasalanan,
Hindi ikaw ang problema,
Ako lamang itong isang tanga na natatakot mawalan ng mga bagay na nais kong manatili.
Lumayo ako.
Hindi dahil ayaw kitang makasama,
Hindi dahil gusto ko,
Hindi dahil makasarili ako,
Hindi dahil hindi na kita mahal.
Kundi dahil natatakot akong masanay sa iyong presensya.
Mahal kita.
Ngunit natatakot ako na isang araw,
Magising ako at wala nang ikaw.
Pasensya kung ika’y natulak ko palayo.

