
Likas na sa ating kaalaman ang salitang tulong o pagtulong. Bilang Pilipino, naging bahagi na ito sa ating kultura at sa ating pagkakakilanlan—ang pagiging maalalahanin, mapagmalasakit, at handang umalalay sa kapuwa sa oras ng pangangailangan. Sa tahanan, sa paaralan at maging sa komunidad, likas na lumalapit ang loob ng mga tao sa isa’t isa tuwing may pinagdaraanan. Kapag may nahihirapan, may gumagabay. Kapag may nadadapa, may sumasalo.
Ngunit sa gitna ng ganitong mabuting intensiyon, isang mahalagang tanong ang unti-unting nabubuo—paano kung ang tulong na ating ibinibigay ay siya ring nagiging hadlang sa paglago at paglawak ng kakayahan ng isang tao?
Hindi maikakaila na may dahilan kung bakit maraming magulang ang mahigpit kung magprotekta sa kanilang mga anak. Sa panahon ngayon, hindi nawawala ang mga panganib na kinahaharap ng kabataan—mula sa masasamang impluwensya hanggang sa mga banta sa internet at lipunan. At bilang magulang, likas lamang ang hangaring ilayo ang anak sa kapahamakan.
Sa katunayan, nakasaad sa Artikulo 209 ng Family Code of the Philippines ang karapatan at tungkulin ng mga magulang na pangalagaan, gabayan, at tiyakin ang kapakanan ng kanilang mga anak. Hindi mali ang pagiging protektibo. Hindi rin mali ang pagnanais na iligtas ang anak sa mga pagkakamaling maaaring makasakit sa kanya.
Ngunit may hangganan ang lahat ng mabuting bagay.
Nagiging suliranin ang pagtulong kapag nauuwi na ito sa pagkontrol. Kapag ang bawat desisyon ng anak ay inaako ng mga magulang, ang bawat pagkakamali ay agad na sinasalo, at ang bawat hamon ay inaalis bago pa man ito maranasan. Sa halip na hubugin ang kakayahang tumayo sa sariling paa, unti-unti nitong inaalis sa kabataan ang pagkakataong matutong magpasya, magkamali, at lumago.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Applied Developmental Psychology noong 2022, tinatayang nasa 382 na kabataan ang nagsasabi na ang labis na pagiging overprotective ng mga magulang ay may kaugnayan sa mas mataas na antas ng emosyonal na pagdurusa at iba pang suliraning pangkaunlaran ng kabataan. Sa simpleng salita, habang pinipigilan natin silang madapa, maaari ring pinipigilan natin sila na matutong tumayo.
Hindi nasusukat ang pagmamahal sa dami ng kontrol o mga salitang lumalabas sa ating bibig. Hindi rin nasusukat ang pag-aaruga sa lawak ng paghihigpit. Ang tunay na layunin ng pagtulong ay hindi gawing permanente ang pagdepende ng isang tao kundi ihanda siyang mamuhay nang may sariling kakayahan.
Paano matututong magdesisyon ang kabataan kung lahat ng desisyon ay ipinagpapasya para sa kanya? Paano siya magiging responsable kung bawat pagkakamali ay mayroong taong handang sumalo? Kung tutuusin, walang sinuman ang natutong lumakad nang hindi muna nadapa.
Hindi ko sinasabing pabayaan ang mga kabataan. Hindi ko rin sinasabing alisin ang paggabay ng mga magulang. Bagkus, ang pagmamahal ay dapat nagbibigay ng direksyon—hindi tanikala kundi gabay, at lalong hindi labis na pagkontrol.
Sapagkat ang pinakamabuting tulong ay hindi yaong laging umaalalay, kundi yaong nagtuturo kung paano tumayo sa sariling mga paa kapag wala nang sasalo.
At marahil, iyon ang uri ng tulong na tunay na nakakatulong.

