Pag-asa ng Bayan: Palusot ng Nakaraan

Leana Jale Quilang
By Leana Jale Quilang June 3, 2026 at 12:00 AM

Patuloy na ibinabato sa aming kabataan ang responsibilidad na ayusin ang mga problemang kailanman ay hindi namin nilikha. Tuwing lumalala ang korapsyon, kahirapan, o pagkasira ng kalikasan, iisa ang madalas na tugon: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Sa halip na akuin ang pananagutan sa kasalukuyan, bakit kami ang inaasahang magsalba ng kinabukasang hindi naman namin inilagay sa panganib?

Batid kong ipinapaalala at inuukit sa aming isipan ang katagang ito upang lalo kaming mangarap ng isang maganda at progresibong kinabukasan para sa bansa. Ngunit ang pagsalo sa mga sugat na hindi naman kami ang lumikha ay tila hindi bahagi ng pangarap na iyon. Hindi ito sugat na basta na lamang maghihilom pagdating ng susunod na henerasyon.

Kung tutuusin, lumabas sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na nasa 30% lamang ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ang nasa maayos na kondisyon. Hindi sapat na tawagin kaming “pag-asa” kung ipinagkakait naman sa amin ang de-kalidad na edukasyon at disenteng mga oportunidad.

Hindi ko nais manglahat, ngunit marami sa mga nagsasabing kami ang pag-asa ng bayan ay minsan ding naging kabataan. Hindi makatarungang gawing tagapagligtas ang kabataan habang patuloy silang gumagawa ng mga desisyong nagpapalala sa kinabukasang kami rin ang magmamana.

Ang masakit na katotohanan, tila nagiging palusot na lamang ang linyang ito. Sa halip na magsilbi bilang inspirasyon, nagiging paraan pa ito upang ilipat ang obligasyon sa mga taong wala pang sapat na kapangyarihang baguhin ang lahat. Sa bawat desisyong ginagawa ng mga nasa kapangyarihan, nakasalalay ang kinabukasan ng kabataan.

Totoong may kakayahan kaming mga kabataan na baguhin ang matagal nang sistema. May lakas at sariwang pananaw kaming maaaring iambag sa bayan. Ngunit hindi ito dapat ituring na sagot sa lahat ng pagkukulang na nauna sa amin. Hindi kami dapat maging tambakan ng mga problemang hindi naman namin nilikha.

Panahon na upang baguhin ang pananaw sa katagang ito. Ang tunay na pag-asa ay hindi nakasalalay sa iisang henerasyon lamang. Nabubuo ito kapag ang mga may kapangyarihan sa kasalukuyan at ang mga susunod pang mamumuno ay nagtutulungan upang makamit ang isang maunlad at progresibong bansa.

Tunay na nasa kamay ng kabataan ang posibilidad ng isang magandang kinabukasan, ngunit ang kinabukasan ay hindi dapat ipamana bilang problema. Dapat itong ipamana bilang pagkakataon.

ABOUT THE WRITER

Leana Jale Quilang

Leana Jale Quilang

Features Editor

Leana Jale Quilang has been in the campus journalism field for almost 7 years. She is a Regional Schools Press Conference qualifier in 2024 and was the Associate Editor of her former school publication, UNA. Now, she is continuing her passion of sharing unique stories and covering relevant social issues with JourKnows.

Community Discussion