
Kapag ang magaling, nagiging pinakamagaling, parang hindi na bago, sa araw ng kaniyang tagumpay, walang pagdiriwang. Tila ordinaryong araw lang. Pero kapag ang magaling hindi na magaling, may nababago.
Hindi ba’t siya yung palaging kampeon ng halos lahat ng kompetisyon? Artikulo niya nga ang laging laman ng news feed ko eh, marami na nga ‘yang achievements, halos salihan lahat, pero bakit ngayon madalang ko na lang siyang makitang nakangiti? Bakit tila isa na lamang siyang.. ordinaryo?
Wala kang ibang maririnig kundi ang pangalan niya sa araw ng pagpaparangal. Bawat patimpalak ay salihan niya, hindi para magpasikat, kundi upang sanayin ang kaniyang kasanayan. O kung ganon nga ba? Tinuturing siyang “magaling” ng karamihan, paano ba naman, ang tanging kuwintas na makikita mo sa kaniya ay medalya lamang. Namamayagpag sa kahit anumang larangan, kaya masasabi mo talagang siya na siguro ang pinaka palad na taong nakita ko. Wala siyang ibang natatanggap mula sa mga guro kundi ang palakpak at mga papuri, minsan nga, napapatanong na lang sila; “natutulog pa kaya siya?” “sinalo niya ba lahat nung nagpaulan ng blessings si Lord?” “paano kaya ako magiging katulad niya?”
Kapag may mga kompetisyon sa labas ng paaralan, hindi siya nagdadalawang isip na sumali, dahil para sa kaniya, hindi naman niya ‘yong dapat na paghirapan. Hindi mo siya makikitang sumasama sa kaniyang mga kaklase tuwing kainan, dahil imbes na mag recess, ay binubusog niya ang utak niya para sa susunod na quiz. Sa araw ng pasahan, sandamakmak na disenyo ang nasa loob ng proyekto niya, dahil palagi niyang sinasabi niya iwasan ang maging ordinaryo. Kung uwian, hindi katulad ng maraming estudyante, halos palagi siyang naiiwan sa school upang umattend ng mga club meetings. Masasabi mo talagang hindi siya katulad ng karamihan. Kung may siyam na libo, siyam na raan at siyam na pu, pinili niyang maging bahagi ng isang porsyento.
Maraming taon ang lumipas, ganoon pa rin, siya pa rin ang pinakamagaling, wala namang nagbago. Maliban sa mga taong noon ay pumalakpak sa kaniya. Ang kaniyang talino, talento at kakayahan ay nanatiling magaling para sa iilan, pero hindi na pinakamagaling. Sunod-sunod na panalo, hanggang sa madalang na lang, at isang araw— wala na. Bakit? Siguro, bakit ang tanong na hindi na masasagot, siguro, wala naman talagang nagtanong ng bakit. Tumigil na ang palakpakan at hiyawan, ang entabladong noon ay naging isang tahanan ng masasayang alaala ay linukob ng nakabibinging katahimikan.
Pero sa kabila nito, may ilan pa ring umaasang baka bumalik siya, taimtim silang humihiling na baka dumating ang magtatanghal kagaya ng dati. Nandoon pa rin ang mga dekorasyon, mga medalya, ang kaniyang lente at panulat, sa sulok ng kaniyang kuwarto, naghihintay na madagdagan muli, pati ang papel ay naghihintay na muling masulatan, maging ang canvas at pinta— naghihintay na magamit. Pero maraming taon pa ang lumipas, hindi lamang pagkadismaya ang nadagdagan, at doon sa mismong silid kung saan siya natutong mamayagpag, nanahanan ang multo ng dating siya.
Doon niya napagtantong hindi naman pala siya kumupas— napagtanto niyang may mas magaling pa pala sa kaniya.
Magaling pa rin ako. Pero hindi na pinakamagaling. Siguro nga maglilimbag pa rin ako ng mga artikulo, pero wala ng bigat, di katulad ng dati. Siguro tatanggap pa rin ako ng mga medalya, pero hindi na ganon karami. Siguro’y makikilahok pa rin ako, pero baka hindi na sa lahat? Magtatanghal pa rin ako. Siguro.

