
Bilang isang anak-dalita, batid kong kinakailangan ko pang sumuot sa isang butas ng karayom makamit lang ang inaasam-asam kong maginhawang buhay. Sa rami ng pagsubok at patuloy na pag-agos ng problema, ang katulad kong dukha ay patuloy na susuong kahit tila paisa-isang pisik lang ng pag-asa ang aking natatanggap.
Pagsisikap ang siyang puhunan.
Maagang ibinulong sa akin ng Philippine Statistics Authority o PSA na kabilang ako sa 7.3 milyong minimum wage earners ng bansa. Yung ultimo papasok na wala pang araw at uuwing lubog na ang araw tipong pagsisikap lang ang baon, matugunan lang pangangailangan ng pamilya sa pang-araw-araw. Kung tutuusin, para sa mga katulad kong manggagawa, kulang na kulang pa rin ang ganyang pagbabanat ng buto.
Sa gilid naman ng kalsada, tanaw mo ang mga tsuper, hawak ang kanilang mga manibela habang naghihintay na mapuno ang dyip. Hindi maikubli ang bigat na pasakit ng pagtaas ng krudo na ilang linggo na nilang bitbit. Kaya sa bawat pag-apak sa silinyador ay ang kasabay na pagdadasal na sana sapat pa rin ang kikitain para may maiuwi sa hapag.
Isama mo na ang mga komyuter na pagkatapos ng isang nakakapagod na araw sa trabaho ay kailangan pang makipagbuno sa kalsada at makipagsiksikan sa mga estasyon, makauwi lamang sa kanilang mga kabahayan. Kung susumahin nasa halos 8.9 milyong Pilipino ang gumagamit ng dyip habang 1.8 milyong Pilipino naman ang gumagamit ng bus bilang kanilang transportasyon sa pang-araw-aaraw. Kaya kakarampot na pahinga na lang ang minsang dumadampi sa amin.
Ngunit ang puhunan ay siya ring nalulugi.
Hindi na kami estranghero sa salitang “kapos”. Ang kinita naming pilit sinisiksik para sa pang-araw-araw ay tila isang ambon lamang, dumadapi at agad ding nawawala. Kaya laking panghihina na lamang kapag nalaman mong may senador na hindi pumapasok sa senado pero patuloy na sumusweldo ng daan-daang libo. Nasaan na ang awa at hiya? Ilang milyong Pilipino ang nagsusumikap sa pang-araw-araw habang ang mga dapat nagsisilbi ay nagtatago sa mga anino subalit nakakakuha ng parehas na halaga ng kita.
Kung tulungan pa kami, parang kasalanan pa naming naghihirap kami. Pipila ng pagkahaba-haba at aabutan ng ayuda na hindi naman para sa lahat. Idagdag mo pa na imbis na maayos na imprastrakturang panlaban sa baha, aabutan na lamang ng sardinas at bigas. Sapagkat kilala nila kaming matatag na kahit ano pa ang unos o dagok na aming kaharapin, makakahanap pa rin kami ng diskarte para lampasan ito.
Iilan na lamang ang tunay na nagseserbisyo sa amin at madalas pang kami-kami na lang ang nagtutulungan, habang ang ilan pisik pisik pa rin ang pinapaabot na serbisyo. Pinagpipilitang kalmado at normal pa ang lahat, kahit sumisigaw na sa daing at hinaing ang mamamayang Pilipino. Sapagkat, kung pagsisikap lang din naman ang susi para sa magandang buhay na ‘yan, tila hanggang ngayon lugi pa rin kami.
Gayunpaman, bukas, gigising pa rin ang mga manggagawang tulad ko. Dahil sa bayang ito, hindi lahat ng pawis at tiyaga ay agad nauuwi sa tagumpay at ginhawa. Sa kabila ng lahat, umaasa lang din kami na nawa ang mga karanasang ito ay maging dahilan para hindi na namin kasanayan ang pisik pisik na serbisyo—na sana bukas, hindi na namin kailangang makipagsiksikan para lang mabuhay.
Matagal na naming pinaghihirapan ‘yang maginhawang buhay na iyan. Kaya sana ngayon—kami naman.

