
Sa bawat taong panuruan, hindi maiiwasan ang suspensyon ng klase dahil sa hindi inaasahang masamang panahon. Sa tuwing may ganitong sitwasyon, hindi rin maiiwasan ang debate kung gaano nga ba dapat kaaga mag-anunsyo ang mga lokal na pamahalaan sa pagsuspinde ng klase.
Mainit na paksa ng usapan ngayon ang abalang idinulot sa maraming Pilipino ng mga “late suspension” na inaanunsyo ng mga lokal na pamahalaan. Paano ba naman? Madalas kasing sinususpinde ang klase kung kailan nakalusong na sa baha at nabasa na ng ulan ang maraming estudyante. Dahil dito, ang panawagan ng publiko, mas maagap na paglalabas ng mga anunsyo.
Ang hindi pagiging maagap sa pag-anunsyo ng pagkansela ng klase ay hindi lamang nagdudulot ng abala ngunit maaari ding maging panganib. Maraming mag-aaral ang napipilitang maglakad sa baha, makipagsiksikan sa maraming tao para makasakay, at bumiyahe sa gitna ng malakas na ulan upang malaman lamang pagdating nila sa paaralan na kanselado na pala ang klase.
Kabilang sa mga binabatikos ngayon ay ang alkalde ng Manila City na si Isko Moreno dahil sa huli nitong anunsyo hinggil sa suspensyon ng klase. Kabi-kabila ang reklamo ng mga estudyanteng apektado, dahil marami sa kanila ang kinakailangan pang manatili sa paaralan dahil sa mataas na baha at hirap makasakay dulot ng malakas na ulan.
Kasabay nito, kasama ring binabatikos ang alkalde ng Quezon City na si Joy Belmonte dahil sa parehong dahilan kung saan pilit na lumulusong sa baha ang mga estudyante dahil kinansela lamang ang klase matapos tumaas na ang tubig at lumakas ang ulan sa kabila ng katotohanang maaari sanang naideklara nang mas maaga ang suspensyon.
Hindi rin nakaligtas sa kritisismo ang iba pang lokal na pamahalaan mula sa mga estudyanteng nasa kolehiyo. Anila, hindi waterproof ang mga estudyante sa kolehiyo. Sa isang open letter na ipinahayag ng San Beda CAS Student Council, binigyang-diin nila na hindi water-resistant ang mga nasa kolehiyo na kayang mabasa ngunit hindi kayang protektahan. Gayundin ang ipinahayag ng isang estudyante sa Adamson TLC na binibigyang-diin ang pagkakaroon ng konsiderasyon para sa mga nasa kolehiyo. Ipinahayag niya ang abalang kailangan niyang danasin dahil sa hindi pagkansela ng klase sa mga college students na pinapapasok pa rin sa gitna ng malalang ulan at baha.
Oo, ang desisyon kung papasok sa klase sa kabila ng mga alalahanin sa kaligtasan ay nasa mga estudyante pa rin. Gayunpaman, hindi ito nagbibigay ng kapanatagan dahil sa pangambang mahuli sa mga aralin at mga maaaring maging bunga ng pagliban.
Gayundin, may sinusunod ngang patakaran ang mga lokal na pamahalaan tungkol sa pagsuspinde ng klase sa ilalim ng Deped Order No. 14, s. 2026, na nagtatakda ng mga pamantayan para sa pagsuspinde ng klase. Subalit, hindi laging akma na naipapakita ng mga rainfall warning signals ang tunay na kondisyong nararanasan ng taumbayan, kaya naman mahalaga pa ring magkaroon ng mas praktikal na batayan sa pagpapasya kung kailan dapat suspindihin ang mga klase.
Ang layunin ng suspensyon ng klase ay para masigurong nasa ligtas na kalagayan ang mga estudyante. Ngunit dahil sa mga huling anunsyo ng suspensyon ng klase, tila nawawalan tuloy ng saysay ang layunin nito.
Hindi kailanman dapat inilalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga mag-aaral kahihintay ng anunsyo hinggil sa suspensyon ng klase. Bukod sa mga rainfall warning signals na ipinapahayag ay mainam ring bantayan ng mga awtoridad ang lagay ng panahon sa kanilang lugar upang mas maagang makapagbigay ng anunsyo.
Ang kaligtasan ng mga estudyante ay hindi lamang dapat nakabatay sa idinidikta ng mga ulat kung hindi naman akmang sumasalamin sa sitwasyon ng lugar. Dahil kung ang layunin ay protektahan ang mga mag-aaral, dapat dumating na ang babala upang maiwasan ang panganib sa bawat isa.

