2 estudyante patay, 9 sugatan sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga

France Louie Palos
By France Louie Palos Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by Khaine Odanga August 19, 2026 at 12:00 AM

Dalawang estudyante, kabilang ang umano’y gunman, ang nasawi sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School campus sa Barangay Tumaga, Zamboanga City noong Martes, Agosto 18, ayon sa mga awtoridad. Siyam pang estudyante ang nasugatan sa insidente.

Naganap ang pamamaril bandang 7:50 ng umaga habang nagsisimula na ang klase, ayon kay PMaj. Shellamie Chang, Public Information Officer ng Police Regional Office 9.

Ayon sa ulat ng pulisya, pumasok ang suspek, isang Grade 9 na estudyante, sa pasukan sa basement ng gusali at umakyat sa ikaapat na palapag, kung saan binaril niya ang isang Grade 10 na estudyante sa loob ng silid-aralan. Umakyat pa siya sa ikalimang palapag at doon binaril ang sarili.

May magkakaibang ulat kaugnay ng armas na ginamit. Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, may dalang isang pistol at isang rifle ang suspek. Ngunit ayon sa inisyal na ulat ng Zamboanga City Police Station 7, dalawang Glock 9mm pistol ang nakuha sa eksena, isa sa suspek at isa malapit sa katawan ng biktima. Nananatiling ginagalugad ng imbestigasyon ang eksaktong uri at bilang ng armas na ginamit.

Kinumpirma rin ni Chang na hindi tama ang mga ulat na “nahulog” o “tumalon” ang suspek mula sa ikalimang palapag. Sinabi niyang natagpuan ang katawan nito sa ikalimang palapag matapos barilin ang sarili.

Nakuha sa video na kinukunan umano ng suspek ang sarili sa pamamagitan ng body camera at ini-livestream ang pag-atake sa social media.

Kinumpirma ni Mayor Khymer Adan Olaso na kapwa estudyante ng pribadong paaralang pinamamahalaan ng mga Jesuit ang umano’y gunman at biktima, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Nasa lugar ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at iba pang law enforcement personnel. Sinabi ni Zamboanga City Police Office director Col. Fidel Fortaleza Jr. na wala nang aktibong banta sa lugar bandang 8:40 ng umaga.

Iginiit ni Chang na tututukan din ng imbestigasyon ang posibleng pagkukulang sa seguridad ng paaralan at kung paano nakapasok ang mga armas, lalo na matapos palakasin ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo, kung saan 3 estudyante ang namatay.

Ayon din kay Chang, nangako ang pamilya ng suspek na makikipagtulungan sa imbestigasyon at isusuko ang mga gadget nito para sa forensic examination, upang matukoy ang posibleng motibo.

Samantala, nagmadaling pumunta sa paaralan ang mga magulang upang sunduin ang kanilang mga anak matapos ang insidente.

Sa pahayag ng Ateneo de Zamboanga University, sinabing prayoridad nito ang kaligtasan ng mga mag-aaral at nakipag-ugnayan na ito sa mga magulang at guardian upang ligtas na masundo ang kanilang mga anak.

Hinimok din ng unibersidad ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, larawan, at bidyo tungkol sa insidente upang hindi makapinsala sa mga sangkot at makahadlang sa imbestigasyon, at nanawagan itong igalang ang privacy ng mga naapektuhan.

Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Education (DepEd) sa insidente at nakikipag-ugnayan sa mga mental health partner para magbigay ng psychological first aid at psychosocial support sa mga mag-aaral.

Hinimok din ng DepEd ang publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at sensitibong larawan, video, o detalye tungkol sa insidente, lalo na’t may mga menor de edad na sangkot.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pamilya ng mga nasawi at sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga. Inatasan niya ang mga law enforcement agencies na magsagawa ng masusing imbestigasyon. Nakikipagtulungan din ang pamahalaan sa mga paaralan at komunidad upang palakasin ang seguridad at matiyak na makapag-aaral ang mga estudyante nang walang pangamba.

Patuloy namang nagsasagawa ang DepEd ng mga hakbang upang palakasin ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng insidente sa Tacloban City at pagdami ng mga insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan.

ABOUT THE WRITER

France Louie Palos

France Louie Palos

JourKnows Staffer

France Louie Palos is a JourKnows Staffer under the News Desk Department

Community Discussion