VP Duterte, nanawagan para sa mas mahigpit na paghahanda sa sakuna

Jan Gabrielle Visda
By Jan Gabrielle Visda Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by Axel Delino July 28, 2026 at 12:00 AM

Nanawagan si Bise Presidente Sara Duterte sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at mga pamilyang Pilipino na paigtingin ang kanilang kahandaan laban sa mga kalamidad kasabay ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.

Sa isang video message na inilabas noong Biyernes, Hulyo 24, sinabi ni Duterte na hindi dapat hintayin ng bansa ang trahedya bago matuto, kundi gawing bahagi ng bawat barangay, paaralan, negosyo, at tahanan ang kultura ng kahandaan sa anumang sakuna.

“Ang katatagan laban sa sakuna ay hinuhubog ng walang-patid na pagbabantay at maagang pagkilos. Ang isang bansang madalas tamaan ng kalamidad, ang pagiging handa ang pinakamalakas nating depensa,” ani Duterte.

Binigyang-diin din niya na bagama’t hindi mapipigilan ang mga lindol at malalakas na bagyo, nasa kamay ng bawat isa ang pagpapatibay ng mga komunidad at imprastraktura upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad.

“Hindi natin mapipigilan ang paglindol o ang paglakas ng mga bagyo, ngunit nasa kamay natin ang pagpapatibay ng ating imprastraktura at komunidad,” dagdag niya.

Hinikayat din ng Bise Presidente ang mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga building code at safety standards, tiyaking ligtas at maayos ang mga evacuation center, at patuloy na paunlarin ang kanilang mga emergency response protocol.

Samantala, pinayuhan niya ang mga pamilya na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga tahanan, manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso, maghanda ng emergency o survival kit, alamin ang pinakamalapit na evacuation route, at aktibong makilahok sa mga disaster drill.

Binigyang-diin din ni Duterte na ang tunay na katatagan ng isang komunidad ay nakasalalay sa kakayahan nitong maprotektahan ang mga pinaka-mahina.

“Ligtas lang ang isang komunidad kung ligtas ang pinakamahinang pamilya nito,” aniya.

Ang panawagan ni Duterte ay bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month na naglalayong palakasin ang kahandaan ng bansa sa harap ng iba’t ibang uri ng kalamidad.

ABOUT THE WRITER

Jan Gabrielle Visda

Jan Gabrielle Visda

News Desk Volunteer

Gab is a student journalist, multimedia creator, and campus leader dedicated to informing and inspiring communities through meaningful storytelling. He is passionate about journalism, digital media, and creative communication, using these platforms to amplify youth voices and promote responsible information sharing. Through his work in campus media and multimedia organizations, he continues to develop innovative content that reflects professionalism, creativity, and social relevance.

Community Discussion