
Nilinaw ni Senate President Sherwin Gatchalian na walang nakalaang pondo ang Senado upang sagutin ang pagkain ng prosecution at defense panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes, ika-23 ng Hulyo.
Ayon kay Gatchalian, hindi pa niya pormal na sinasagot ang kahilingan ni Duterte na sagutin ng Senado ang pagkain ng kaniyang defense panel at gamitin ang accredited caterer ng Office of the Vice President OVP.
Aniya, kinakaharap na ng Senado ang kakulangan sa pondo dahil kailangan nitong umupa ng karagdagang opisina sa Philippine International Convention Center o PICC habang ginagamit ang ilang silid ng Senado para sa impeachment proceedings.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kailangan ding maglaan ng espasyo ang Senado para sa mga pagdinig kaugnay ng panukalang pambansang badyet para sa 2027 at iba pang gawaing lehislatibo.
Samantala, sinabi ni House impeachment prosecutor Rep. Terry Ridon na maaaring magbunga ng isyu sa procurement ang kahilingan na ang Senado ang magbayad ngunit ang OVP ang pipili ng caterer.
Iginiit niyang walang obligasyon ang Senado na sagutin ang pagkain ng alinmang panig dahil may kani-kaniyang pondo ang prosecution at defense para sa kanilang partisipasyon sa paglilitis.
Inihayag din ni Gatchalian na idaraos ang impeachment trial tuwing Lunes hanggang Miyerkules, alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, habang ilalaan ang mga sesyong lehislatibo simula alas-4 ng hapon. Gagamitin naman ang Huwebes at Biyernes para sa mga pagdinig ng komite at iba pang gawaing pambatas.

