PCG kinondena ang pagharang ng China sa Ayungin

France Louie Palos
By France Louie Palos Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by Axel Delino July 23, 2026 at 12:00 AM

Isang “act of barbarism” kung tawagin ng Philippine Coast Guard o PCG ang umano’y pagharang ng China Coast Guard (CCG) sa isinagawang medical evacuation ng dalawang sugatang tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal, kasabay ng pagtanggi nito sa pahayag ng Beijing na pinayagan nito ang naturang operasyon.

Ayon kay PCG spokesperson para sa West Philippine Sea, Rear Adm. Jay Tarriela, nagsagawa ang Pilipinas ng humanitarian mission sa loob ng Exclusive Economic Zone nito, kaya hindi ito nangangailangan ng pahintulot mula sa alinmang bansa. 

Aniya, taliwas sa tungkulin ng isang Coast Guard ang pagharang sa isang life-saving operation.

Sinabi ni Tarriela na paulit-ulit na nagbigay ng radio advisory ang BRP Melchora Aquino bago ang operasyon upang ipabatid sa mga sasakyang pandagat sa lugar ang isinasagawang medical evacuation at ang kanilang obligasyong huwag hadlangan ang humanitarian mission alinsunod sa internasyonal na batas.

Ipinadala ng PCG ang BRP Melchora Aquino at BRP Malapascua matapos masugatan ang dalawang tauhan ng Philippine Navy sa insidente sa Ayungin Shoal. 

Ayon sa PCG, apat na barko ng CCG ang nasa lugar, habang nag-deploy ang CCG vessel 5308 ng rigid hull inflatable boat (RHIB) na humarang sa operasyon sa kabila ng umiiral na medical emergency.

Sa kabila ng pagharang, matagumpay na nailikas ng PCG ang dalawang sugatang tauhan bandang alas-11:30 ng umaga noong Hulyo 21. 

Dumating ang mga ito sa Oyster Bay, Palawan, kinabukasan at agad na itinurn-over sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tumagal ng humigit-kumulang 42 oras ang buong operasyon, habang nagtamo ng trauma ang dalawang sundalo at isa sa kanila ang nagtamo ng pito hanggang walong sentimetrong sugat sa ulo.

Ibinunyag din ni Tarriela na nawalan ng Starlink internet connectivity ang mga barko ng PCG habang papalapit sa Ayungin Shoal at naibalik lamang ito limang oras matapos ang matagumpay na evacuation.

Aniya, posibleng may kaugnayan ang insidente sa umano’y internet interference ng China sa lugar, at iniulat na ito sa Department of Information and Communications Technology o DICT upang makipag-ugnayan sa Starlink.

Sa kabila ng insidente, iginiit ni Tarriela na patuloy na isusulong ng pamahalaan ang diplomatikong pakikipag-ugnayan sa China upang maresolba ang lumalalang tensyon sa West Philippine Sea.

Community Discussion