Mga eksperto, nagbabala sa epekto ng mas maiinit na gabi sa pagtulog, kalusugan

France Louie Palos
By France Louie Palos Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by Axel Delino July 23, 2026 at 12:00 AM

Nagbabala ang mga eksperto na patuloy na binabawasan ng climate change ang kalidad ng pagtulog ng milyun-milyong tao dahil sa pagtaas ng temperatura sa gabi na nagdudulot ng mas malaking panganib sa kalusugan, ayon sa report nitong ika-21 ng Hulyo.

Batay sa pagsusuri ng Climate Central, nawalan ng mahigit 50 oras ng tulog bawat taon ang karaniwang tao sa buong mundo mula 2020 hanggang 2025 dahil sa mas maiinit na  klima tuwing gabi. 

Sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas, nadagdagan ng hindi bababa sa 40 gabi bawat taon ang mga gabing may temperaturang higit sa 25 degrees Celsius, na hindi komportable para sa pagtulog.

Ayon sa mga siyentipiko, mahalaga ang sapat na tulog sa pagpapalakas ng immune system, pag-aayos ng mga selula, at pagpapanatili ng maayos na kalusugan. 

Nagdudulot din ang kakulangan sa tulog ng mas mabagal na paggaling mula sa sakit, pagbaba ng produktibidad, at mas mataas na panganib ng diabetes, hypertension, depresyon, at iba pang seryosong karamdaman.

Ayon sa Greenpeace Philippines, isang grupong nagsusulong ng pagkilos laban sa climate change, pinipigilan ng tumataas na temperatura sa gabi ang katawan na makabawi mula sa matinding init sa araw. 

Binigyang-diin ni Jefferson Chua, climate and energy campaigner ng Greenpeace Philippines, na ang pagkawala ng sapat na tulog ay nagpapahina sa kakayahan ng katawan na makarekober at lumaban sa sakit.

Ipinaliwanag naman ng mga eksperto na pinalalala ng urban heat island effect ang init sa gabi, lalo na sa mga lungsod, dahil dahan-dahang inilalabas ng mga konkretong gusali, kalsada, at aspalto ang init na naipon sa maghapon. 

Dagdag pa rito, nakakulong ang init sa atmospera dahil sa tumataas na greenhouse gases.

Nanawagan ang mga eksperto sa pamahalaan na palakasin ang mga hakbang sa climate adaptation at protektahan ang mga komunidad na higit na apektado ng matinding init, habang iginiit nilang ang pagtaas ng temperatura sa gabi ay isa nang mahalagang usaping pangkalusugan at pangklima.

ABOUT THE WRITER

France Louie Palos

France Louie Palos

News Desk Staffer

France Louie Palos serves as a JourKnows Staffer under the News Desk Department

Community Discussion