Mamamahayag inaresto sa gitna ng kilos-protesta sa Pasay

France Louie Palos
By France Louie Palos Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by Axel Delino August 12, 2026 at 12:00 AM

inaresto ng mga pulis ang mamamahayag-aktibista ng Bulatlat at dating estudyante ng Bulacan State University o BulSU na si Jian Sanz noong Miyerkules, ika-22 ng Hulyo, sa Pasay City habang nagdodokumento ng kilos-protesta laban sa pagdalo ni United States Secretary of State Marco Rubio sa 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting.

Sa eksklusibong pahayag ni Sanz sa Pacesetter, puwersahan umano siyang isinakay ng tatlo o apat na pulis sa isang police mobile kahit ginagamit lamang dawng mga nagpoprotesta ang kanilang karapatang ipahayag ang kanilang saloobin.

Ayon kay Sanz, “Nang balak ko na ring umalis at umatras ay narinig ko ang isang lalaking police officer na nag-utos na, ‘Arestuhin niyo iyan.’ Ako ang tinutukoy nitong ‘arestuhin,’” 

Sinabi rin ni Sanz na hindi siya binasahan ng kaniyang Miranda Rights bago siya dalhin sa Pasay Police Station 1. Doon, tinanong umano siya ng mga pulis tungkol sa kaniyang pangalan, organisasyon, at iba pang detalye kaugnay ng protesta.

Tumanggi naman si Sanz na sagutin ang mga tanong hanggang sa dumating ang mga paralegal at abogado mula sa National Union of Peoples’ Lawyers, humigit-kumulang 35 minuto matapos siyang madetine.

Pinaalaya rin siya ng mga pulis makalipas ang halos 40 minuto sa himpilan.

Pinabulaanan ni Sanz ang naunang pahayag ng pulisya na nadapa at natapakan lamang siya ng ibang kalahok sa protesta bago dinala sa himpilan.

Giit pa ni Sanz, “Napakasinungaling ng pulisya nang sabihin nilang nadapa ako at natapakan..” 

Kasabay ni Sanz, inaresto rin ng mga pulis ang freelance photographer ng Vera Files na si Bullit Marquez at ang photo editor ng The Manila Times na si Rene Dilan matapos silang mapagkamalang mga raliyista habang nagdodokumento ng kilos-protesta. Kalaunan ay pinalaya rin ang dalawa.

Community Discussion