Mahal kita, pero mahal

Elaine Santos
By Elaine Santos Graphics by Rian James Patalita Copyedited by JD Daquiz July 19, 2026 at 12:00 AM

“Lahat ng bagay ay politika, pati ang ibigin ka.”

May mga kantang hindi lang pinakikinggan. May mga kantang ating dinaramdam. Sa unang dinig, tila isa lamang itong awit tungkol sa pag-ibig—sa hirap ng pagmamahal, sa bigat ng pagpili, at sa sakit ng pananatili. Ngunit habang paulit-ulit tumutugtog ang kantang Mahal Magmahal ni Esremborak, napagtanto kong hindi lamang pala ito tungkol sa isang taong minamahal. Maihahalintulad din ito sa bansang pilit pa rin nating minamahal, at marahil—iyon ang pinakamasakit na uri ng pag-ibig.

Sapagkat mahal na ngang magmahal, mas mahal pang mabuhay.

Araw-araw, tila may bagong presyong kailangang tanggapin. Mas mahal ang bigas. Mas mahal ang pamasahe. Mas mahal ang kuryente. Mas mahal ang pangarap. Ngunit ang sahod ng karaniwang manggagawa ay tila naiwan sa nakaraan, habang ang halaga ng pamumuhay ay patuloy na umaakyat. Ang simpleng tanong na, “Kasya pa ba ang natitirang pera para sa hapunan?” ay hindi na usapin ng panlasa, kundi ng kakayahang bumili.

May mga pamilyang natutong magbawas ng pagkain upang may maipambayad sa renta. May mga estudyanteng pumapasok na walang laman ang tiyan ngunit puno ng pangarap. May mga magulang na paulit-ulit na sinasabing, “Kakayanin natin,” kahit sila mismo ay hindi na sigurado kung paano.

Sa gitna ng lahat ng ito, hindi natin maiiwasang itanong: Paano tayo nakarating dito?

Hindi maikakailang maraming salik ang nakaaapekto sa ekonomiya—mga pandaigdigang krisis, sakuna, at pagbabago sa merkado. Ngunit hindi rin maitatanggi na ang mabuting pamamahala ay may malaking papel sa pagpapagaan o pagpapabigat sa pasanin ng mamamayan. Sa tuwing may pondong nawawala, proyektong hindi natatapos, o serbisyong hindi naibibigay nang maayos, ang tunay na nagbabayad ay hindi ang nasa kapangyarihan—kundi ang ordinaryong Pilipino.

“Lahat ng bagay ay politika, lalo na ang ibigin ka.”

Akala natin, ang politika ay hanggang eleksyon lamang. Ngunit politika rin pala kung bakit may batang hindi makapag-aral nang maayos. Politika kung bakit may magsasakang lugi sa sariling ani. Politika kung bakit may manggagawang dalawang trabaho na ang pinapasukan ngunit kulang pa rin ang kinikita. Politika kung bakit ang ilan ay kailangang mangibang-bansa upang maibigay lamang ang kinabukasang hindi nila matagpuan dito.

Ang politika ay hindi lamang nangyayari sa Senado o Malacañang. Nangyayari ito sa hapag-kainan. Sa palengke. Sa terminal. Sa silid-aralan. Sa bawat resibong mas mataas kaysa noong nakaraang linggo. At marahil, pati ang pagmamahal.

Patuloy tayong nagtitiis. Patuloy tayong umaasa. Patuloy tayong bumabangon sa bawat pagtaas ng presyo, sa bawat pangakong hindi natutupad, at sa bawat pagkakataong tila inuuna ang interes ng iilan kaysa sa kapakanan ng nakararami.

Ngunit ang pagmamahal—sa tao man o sa bayan—ay hindi dapat puro pagtitiis.

Hindi sapat na mahal natin ang ating bansa kung ang mga namumuno ay hindi sapat ang pagmamahal sa mamamayang kanilang pinaglilingkuran. Sapagkat ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa dami ng talumpati o pangako. Nasusukat ito sa kung gaano kagaan ang buhay ng mga taong umaasa rito. Kung gaano karaming pamilya ang may sapat na pagkain. Kung gaano karaming kabataan ang may pagkakataong mangarap. Kung gaano karaming Pilipino ang hindi na kailangang mamili kung kakain ba sila ngayon o mag-iipon para bukas.

Marahil, kaya tumimo ang awitin sa puso ng maraming nakikinig ay dahil hindi lamang ito kuwento ng isang taong gustong magmahal. Kuwento rin ito ng isang bayang patuloy na nagmamahal. Patuloy na umaasa. Patuloy na nananalig. Ngunit unti-unti nang napapagod.

Galit ako sa kapitalismo at sa sistemang kailangan kong isantabi ang pagmamahal ko sa iyo. Mahal ang magmahal. At kahit labis-labis ang pag-ibig ko sa iyo, hindi ko ito aaminin kung butas pa ang bulsa ko.

ABOUT THE WRITER

Elaine Santos

Elaine Santos

JourKnows Volunteer

Elaine Santos is a volunteer for JourKnows with a passion for journalism, literature, and storytelling. She believes that behind every headline is a story worth telling, and behind every story is a truth worth pursuing. She is also a TV Broadcaster who finds purpose in giving voice to stories that matter. Beyond the newsroom, she enjoys exploring new places, staying active through sports, and embracing experiences that inspire curiosity and growth.

Community Discussion