Sorry, hindi kasama sa résumé ko ang body count

Skilet Ocampo
By Skilet Ocampo Graphics by Romel Ivan Balidoy Salvadora Copyedited by JD Daquiz July 15, 2026 at 12:00 AM

Sa lipunang mabilis humusga at mahilig makialam sa pribadong buhay ng iba, tila naging usapin na rin ng reputasyon ang tinatawag na body count. Parang may mga taong naniniwalang bahagi ito ng pagkatao na dapat isama sa pagpapakilala sa sarili, na para bang ang dami ng karanasan ng isang tao ay sukatan ng kanyang halaga.

Ngunit sa totoo lang, hindi ito kailanman naging batayan ng talino, kabutihan, dignidad, o pagkatao. Ang isang tao ay hindi nababawasan o nadaragdagan ang halaga dahil lamang sa mga piniling hindi naman niya kailangang ipaliwanag sa buong mundo.

Nakakatawang isipin na sa dami ng mahahalagang bagay na maaaring itanong tungkol sa isang tao—ang kanyang prinsipyo, pag-uugali, malasakit, at pananagutan—ang iba ay sa mga numerong walang saysay nakatuon. Mas madali kasing manghusga kaysa umunawa.

Mas komportable kasing umalam ng detalye ng buhay ng iba kaysa harapin ang sariling pagkukulang. Kaya nga kapag ang usapan ay body count, madalas hindi naman talaga malasakit ang laman ng tanong; kadalasan, pakikialam lang na nakabalot sa kunwaring pag-aalala.

Ngunit hindi rin ibig sabihin nito na wala nang usaping dapat pagtuunan ng pansin. Kung may dapat pag-usapan, iyon ay ang respeto, kaligtasan, at pananagutan.

Ang mahalaga ay kung marunong bang gumalang ang isang tao sa kapwa, kung responsable ba siya sa kanyang mga desisyon, at kung hindi ba siya nananakit o nananamantala. Iyon ang mga bagay na tunay na makikita sa isang tao—hindi ang bilang na pilit ginagawang malaking isyu ng mga taong walang ibang maipuna.

Kaya sa lahat ng gustong gawing résumé ang isang pribadong bagay, ito ang malinaw na sagot: “Sorry, hindi kasama sa résumé ko ang body count.” Hindi ito kwalipikasyon. Hindi ito medalya. Hindi ito sentro ng aking pagkatao. Ang nararapat na tingnan ay ang karakter, paggalang, at pananagutan—dahil doon tunay na nasusukat ang isang tao.

ABOUT THE WRITER

Skilet Ocampo

Skilet Ocampo

JourKnows Volunteer

Skilet is a senior high school student, student leader, and writer dedicated to serving the youth through journalism, leadership, and community engagement. He is passionate about storytelling and believes in the power of media to inform, inspire, and create meaningful conversations. Through his work in publications and organizations, he strives to amplify youth voices, promote civic participation, and highlight issues that matter to his community.

Community Discussion