Eala, pinatalsik si defending Wimbledon champ Swiatek, sasampa patungong Round 4

John Andrew Sangalang
By John Andrew Sangalang Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by Axel Delino July 14, 2026 at 12:00 AM

Naghulma ng malaking kasaysayan si Filipina tennis sensation Alexandra “Alex” Eala, matapos patumbahin si defending Wimbledon Champion Iga Swiatek sa makapigil-hiningang Round 3 thriller, 7-6 (9), 6-2, upang tumuntong sa Round of 16 ng 2026 Wimbledon Championships sa Centre Court ng All England Lawn Tennis and Croquet Club, nitong Sabado, Hulyo 4.

Naging puhunan ng 29th-seeded Filipina ang katatagan sa unang set makaraang bitawan ang matatalim na returns at baseline offense sa kabila ng muntikang pagkawala ng 5-3 bentahe, bago tuluyang kontrolin ang ikalawang set.

Ipinahayag ni Eala na bagama’t tila maliit na tagumpay lamang ito para sa mga batikang kampeon na tulad nina Swiatek, Serena, at Venus Williams, napakalaki ng kahulugan nito para sa kaniyang pinagmulang karera sa Pilipinas.

“For someone like Iga, who has won so many Slams and maybe someone like Serena or Venus, this achievement may seem small. But for someone who grew up in the Philippines, I went to train with my brother and grandfather every day after school with my ruffled socks, light-up shoes, and chubby cheeks, to her this is everything,” ani Eala sa pagkapanalo kontra World No. 3 Swiatek. 

Pinanghawakan ni Eala ang 5-of-7 break points, kabilang ang matitinding tiebreaks sa unang set na nagbigay ng krusyal na momentum para sa Birmingham Open champion, habang dehado namang nagtala ng 3-of-11 break points ang Grand Slam winner kasabay ng limang double faults kumpara sa malinis na ratsada ng Filipina.

Matapos ang 5-3 kalamangan ni Eala, mabisang rumesponde sa pamamagitan ng mababagsik na crosscourt slices si Swiatek upang makahabol sa tiebreak, na agarang pinagpag ng Pinay netter upang maisalba ang 85-minute opener.

Patuloy ang pagratsada ni Eala sa pagsapit ng ikalawang set, makaraang pakinabangan ang natamong bentahe sa opening set at magtala ng double break hanggang sa patatagin ito sa 4-0 lead.

Samantala, sinubukang tapyasin ni Swiatek ang kalamangan ni Eala gamit ang mapanirang opensa sa service game, ngunit tuluyang nabigo ang Polish tennis star nang manatiling kalmado sa baseline ang Filipina para selyuhan ang 6-2 tagumpay.

Makasaysayang minarkahan ni Eala ang kaniyang pinakamalalim na kampanya sa isang Grand Slam tournament bunga ng kaniyang paggapi kay Swiatek na may 2-1 kartada sa kanilang paghaharap.

Nakatakdang makakasagupa ng Filipina underdog ang ika-13 seed na si  Jasmine Paolini ng Italy matapos pabagsakin si Maria Sakkari ng Greece, 6-1, 6-2 sa nasabing prestihiyosong torneo.

ABOUT THE WRITER

John Andrew Sangalang

John Andrew Sangalang

JourKnows Volunteer

Andrew is a seasoned sports writer with seven years of campus journalism experience and the former Editor-in-Chief of Ang Silayan (Dasmariñas Integrated High School), who firmly believes the spotlight belongs on the athletes. His crafts led to a discovery, taking him from courtside to the lab as an incoming BS Biology student at Cavite State University. When he's not chasing stories or science, he’s usually glued to an intense VNL (Volleyball Nations League) rally or clutch VALORANT plays.

Community Discussion