
Naglunsad ang Department of Education (DepEd) ng malawakang Nationwide School Safety Campaign, kabilang ang paggamit handheld metal detectors sa mga pampublikong paaralan, pagsasagawa ng security audits, at pagpapatupad ng mas mahigpit na mga hakbang laban sa bullying kasunod ng insidente sa Tacloban City.
Inihayag ni DepEd Secretary Sonny Angara ang kampanya noong Biyernes, Hunyo 26, at sinabing mabilis na kumikilos ang kagawaran upang palakasin ang seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng mas mahigpit na mga protocol sa seguridad at mas malapit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, mga ahensyang nagpapatupad ng batas, mga magulang, at mga komunidad.
“We are moving with urgency because protecting our children is our absolute priority, and as President Bongbong Marcos always emphasizes, our schools must strictly remain safe zones for learning,” saad ni Angara.
“Hindi natin hahayaang malagay sa panganib ang ating mga mag-aaral. Kaya lalo nating hihigpitan ang koordinasyon sa ating mga partner at stakeholder upang masigurong hindi na mauulit ang ganitong trahedya,” dagdag pa niya.
Ang inisyatiba ay kasunod ng insidente ng pamamaril noong Hunyo 22 sa San Jose National High School sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang estudyante. Tatlong estudyante ang nasawi habang mahigit isang dosena pa ang sugatan sa naturang insidente.

