CIDG, nagsampa ng reklamong anti-hazing laban kay Tab Baldwin, 10 iba pa sa pagkamatay ng 2 manlalaro ng Ateneo

John Brent Abo
By John Brent Abo Graphics by Joshua Lian Cawilan Copyedited by Axel Delino June 30, 2026 at 12:00 AM

Nagsumite ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) ng reklamo laban sa nagbitiw na head coach ng Ateneo men’s basketball team na si Tab Baldwin at 10 iba pa noong Biyernes, Hunyo 26, para sa paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 kaugnay ng pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Bukod kay Baldwin, sasailalim din sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sina assistant coaches Jon Jacinto, Dean Castaño, at Sandro Soriano, strength and conditioning coaches Grant Dearns at CJ Elumba, at physical therapist Jerick Rueca.

Pinangalanan din ng CIDG ang mga student manager na sina Paolo Manuel Adevoso at Andrew Lorenzo Salud, gayundin ang mga utility personnel na sina Aris Pronce at Joel Rapa.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, ang aktibidad sa dagat na kumitil sa buhay nina Baterbonia at Adili sa ginanap na team building ng Blue Eagles sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 ay nagtataglay ng mga elemento ng hazing sa ilalim ng RA 11053.

Kabilang dito ang pisikal o sikolohikal na pagdurusa, mga gawaing kinakailangan para sa pagpasok o pagpapatuloy ng pagiging miyembro ng grupo, at sapilitang pagkakalantad sa panganib bilang bahagi ng pagsapi.

”We used to think that hazing was limited to initiations. But here, the team building and training crossed over into hazing,” saad ni Remulla sa isang press briefing noong Biyernes.

Sinabi ni Remulla na nagsagawa ang CIDG ng kabuuang 320 oras na panayam sa mahigit 60 respondent, kabilang ang mga dating manlalaro ng Ateneo na nagkuwento ng mga insidenteng muntik nang malunod sa mga nakaraang edisyon ng team building ng Blue Eagles.

Kabilang sa mga iyon sina Aaron Black at Gboy Babilonia, na ayon sa CIDG ay nagsabing nasa bingit na sila ng pagkalunod bago sila nailigtas ng mga coach.

Ayon kay Remulla, nang tanungin si baldwin kung may nauna nang ganitong mga insidente, sinabi nitong “there was no incident that even created the idea of drowning."

"When we asked Tab Baldwin if something like this had happened before, that someone almost drowned, he said none,” ani Remulla.

”However, his former players testified that they nearly drowned. That in itself shows a great inconsistency,” dagdag pa niya.

Nilinaw naman ni Remulla na taliwas sa mga salaysay na pinalaki sa social media, ang mga manlalaro ay hindi sumailalim sa pisikal na pinsala, sabi ni Remulla.

Dagdag pa rito, muling iginiit ni CIDG Director Major General Robert Morico na ang mga manlalaro, kabilang sina Baterbonia at Adili, ay walang suot na pabigat sa panahon ng aktibidad ng dagat.

”They were not harmed, but they were taken to a dangerous place where everything happened. The elements of the Anti-Hazing Law — exposure to weather and forced calisthenics — were [present]. Because of the calisthenics and exposure to weather, it resulted in the drowning of two individuals,” ani Remulla.

ABOUT THE WRITER

John Brent Abo

John Brent Abo

JourKnows Staffer

John Brent Abo is a news writer with several years of experience in campus journalism. His work primarily focuses on stories that demand to be heard, specifically highlighting issues and experiences often overlooked by society. Through his writing, Brent dedicates himself to those struggling to have their voices recognized and understood. Outside the newsroom, he enjoys spending time with animals and watching boys’ love films and series.

Community Discussion