Mula strands tungo sa dalawang track: Paano babaguhin ng SSHS Curriculum ang pagpili ng landas ng mga mag-aaral?

Jan Gabrielle Visda, Ron Menard Abaja, and Seven Muñoz
By Jan Gabrielle Visda, Ron Menard Abaja, and Seven Muñoz Graphics by Earl Inocencio Copyedited by Selma Aspe June 28, 2026 at 12:00 AM

Ano ang magbabago sa Senior High School sa ilalim ng bagong Strengthened Senior High School Curriculum ng DepEd?

Matapos ang mahigit isang dekada ng K–12 Program, inilunsad ng Department of Education ang rebisyon ng Senior High School curriculum upang tugunan ang mga suliranin sa dating sistema at mas maihanda ang mga mag-aaral para sa kolehiyo at trabaho.

Sa ilalim ng Strengthened Senior High School Curriculum, pinasimple at inayos ang mga asignatura upang higit na mapalakas ang pangunahing kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral.

Sa gitna ng mga pagbabagong ito, mahalagang maunawaan ang nilalaman ng bagong kurikulum at ang epekto nito sa mga mag-aaral, guro, at paaralan.

Ano ang Strengthened Senior High School Curriculum at paano ito naiiba sa dating Senior High School Curriculum?

Ang Strengthened Senior High School (SSHS) Curriculum ay bagong kurikulum ng DepEd na ipatutupad sa School Year 2026–2027 bilang bahagi ng reporma sa K to 12.

Layunin nito na gawing mas simple at mas nakatuon sa skills at trabaho ang Senior High School.

Ano ang SSHS Curriculum?

Ito ay pinasimpleng SHS program kung saan binago ang subjects at learning structure para mas maging practical at job-ready ang mga estudyante.

Pagkakaiba sa dating SHS:

Mas kaunting tracks

  • Dati, mayroong Strands tulad ng STEM, ABM, HUMSS, GAS, at iba pa
  • Sa bagong Strengthened Senior High School Curriculum, dalawa na lang ang pagpipilian—ang Academic at Tech-Voc/Professional

Mas pinasimpleng subjects

  • Ang Kurikulum dati ay may maraming Core Subjects na siyang nagpapahirap sa mga estudyante.
  • Sa SSHS ay mas kaunti at pinagsamang subjects at mas focused sa core skills.

Mas skills-based

  • Ang dating kurikulum ay mas academic-heavy
  • Sa SSHS naman ay mas focus sa work skills at real-world application

Ano ang layunin ng pagbabago sa SHS Curriculum?

Ayon sa DepEd, layunin ng reporma na gawing mas naaayon sa pangangailangan at interes ng mga mag-aaral sa SHS sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga elective subjects at pagbabawas sa bilang ng mga core subjects.

Hangad din ng kagawaran na mabigyan ang mga mag-aaral ng mas malawak na pagpipilian bata sa kakayahan at interes upang higit silang maihanda para sa trabaho.

Kasabay nito, nais ng DepEd na matiyak na ang mga kaalamang matututunan ng mga mag-aaral ay naaayon sa pangangailangan ng kolehiyo, larangang teknikal, trabaho, at negosyo. 

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi naging episyente ang SHS sa nakaraang dekada. Bago pa man inilunsad ng reporma, inilatag niya ang dahilan kung bakit kailangang baguhin ang kurikulum:

“Hindi maganda ang naging implementasyon nitong nakaraang dekada. Masyadong marami ang subjects na nakahon masyado ang mga bata. Hindi sila makapili ng subjects,” aniya.

Sino-sino ang maaapektuhan sa Strengthened Senior High School Curriculum

Pangunahing maaapektuhan ng Strengthened Senior High School Curriculum ang mga mag-aaral na papasok sa Grade 11 sa School Year 2026–2027. Matapos itong subukan sa 841 pilot schools noong School Year 2025–2026, ipatutupad na ang bagong kurikulum sa lahat ng paaralan sa bansa, ayon sa DepEd Memorandum No. 12, s. 2026. Samantala, ang mga kasalukuyang Grade 12 students ay mananatili muna sa dating kurikulum bilang bahagi ng transisyon.

Maaapektuhan din ang mga guro na kailangang umangkop sa bagong asignatura at competencies, kaya may mga pagsasanay na ibibigay ang DepEd. Para naman sa mga paaralan, aayusin nila ang kanilang program offerings at resources ayon sa bagong sistema.

Ano ang magiging epekto ng pagkakaroon ng dalawang track at pagkawala ng mga strand sa pagpili ng landas ng mga mag-aaral sa Senior High School?

Sa paglalangkap ng Strengthened Senior High School (SSHS) Curriculum sa taong panuruan, ganap nang naging dalawang track ang pamimilian ng mga mag-aaral mula sa apat, na ngayo’y binubuo ng: Academic Track at Technical-Professional (TechPro) Track. Kasunod nito ang pag-alis sa mga strands katulad na lamang ng STEM, ABM, at HUMSS.

Nakapaloob sa naturang pagbabago ang pagbibigay kalayaan sa mga mag-aaral upang mag-organisa ng kanilang personal na mga asignatura, kung saan mula 15 hanggang 17 core subjects noon ay nasa lima na lamang sa ilalim ng bagong kurikulum.

Kailan nga ba ipinatupad at ipatutupad ang SSHS Curriculum?

Una nang inimplementa ang nabanggit na SSHS na kurikulum sa 841 na paaralang nag-pilot dito noong nakaraang taong panuruan 2025—2026. Ngunit, ngayong taon, inilabas na ng Kagawaran ng Edukasyon ang DepEd Memorandum no.12, s. 2026, kung saan ipinatutupad ang bagong kurikulum sa lahat ng eskwelahan sa bansa.

Samantala, upang makatiyak ng kagawaran nang maayos na implementasyon sa pagbabago sa kurikulum, umiiral lamang ang SSHS para sa mga tumungtong sa ika-11 na baitang ngayong A.Y 2026—2027, habang mananatili sa K-12 na kurikulum ang mga ika-12 na baitang—layong makaiwas sa kalituhan sa kanilang ganap na pagtatapos sa sekondarya.

Ano ang mga suliraning kinakaharap ng dating kurikulum?

Ipinatupad ang SHS noong 2013 sa bisa ng Republic Act No.10533 o Enhanced Basic Education Act, na nagdagdag ng dalawang taon sa basic education system ng bansa.

Hangarin nitong maiayon ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas sa mga pamantayang ginagamit sa ibang bansa, ngunit kalaunan ay lumitaw ang ilang hamon sa pagpapatupad nito sa mga sumunod na taon.

  • Labis na bilang ng asignatura
  • Limitadong pag-unlad sa pagkatuto
  • Kakulangan sa kagamitan at guro
  • Mahinang ugnayan sa industriya

Noong 2024, nagsagawa ang Assessment, Curriculum, and Technology Resource Centre (ACTRC) ng masusing pagsusuri sa kurikulum, at inirekomenda nitong bawasan ang bilang ng mga asignatura, paglaganap ng mga electives, dagdagan ang oras ng Work Immersion, at bigyan ng mas maraming pagpipilian ang mga mag-aaral sa pagpili ng kanilang landas sa pag-aaral.

Hatid ng Strengthened Senior High School Curriculum para sa kinabukasan ng edukasyon ng bansa

Sa mga susunod na taon, inaasahang magiging gabay ang SSHS Curriculum sa paghahanda ng mga mag-aaral para sa kolehiyo, paghahanapbuhay, at iba pang oportunidad sa hinaharap.

Nilalayon din ng reporma na mabigyan sila ng mas maraming pagpipilian na naaayon sa kanilang kakayahan, interes, at mga mithiin.

Para sa mga guro, binibigyan-daan ng mga pagbabagong ito ang higit na pagpapalalim ng pagtuturo at pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral.

Sa kabuuan, nakikita ang SSHS Curriculum bilang hakbang tungo sa matibay na ugnayan ng edukasyon, hanapbuhay, at pambansang kaunlaran.

 

ABOUT THE WRITER

Jan Gabrielle Visda, Ron Menard Abaja, and Seven Muñoz

Jan Gabrielle Visda, Ron Menard Abaja, and Seven Muñoz

JourKnows Volunteers

Jan Gabrielle Visda, Ron Menard Abaja, and Seven Muñoz serve as JourKnows Volunteers under the News Desk Department

Community Discussion