
Opisyal nang inanunsyo sina Maxie Andreison at Viñas Deluxe bilang mga gaganap sa papel ni Trisha sa ‘Die Beautiful The Musical’, na nakatakdang itanghal sa Hunyo 2027 sa Proscenium Theater.
Agad na umani ng positibong reaksyon mula sa mga tagahanga ng teatro, pelikula, at drag community ang naturang anunsyo.
Ayon sa direktor na si Tuxqs Rutaquio, nangangailangan ang papel ni Trisha ng isang artistang kayang pagsabayin ang komedya at drama, maghatid ng makapangyarihang boses, at maipakita ang emosyonal na lalim ng karakter.
”For the musical, the role will require an artist who can navigate comedy and drama, deliver powerful vocals, and embody Trisha’s journey with truth, charisma, and emotional depth,” ani Rutaquio.
Naniniwala ang production team na taglay nina Andreison at Deluxe ang talento, karisma, at presensya upang magbigay ng kani-kanilang interpretasyon sa isa sa mga pinakamamahal na karakter sa pelikulang Pilipino.
Adaptasyon ng kinikilalang pelikula na tumatalakay sa pagkakakilanlan, pagtanggap sa sarili, at pag-abot sa mga pangarap ang ‘Die Beautiful The Musical.’
Lalo pang tumaas ang excitement noong inanunsyo sina Andreison at Deluxe bilang mga alternate ni Trisha para sa isa sa mga pinakaaabangang theater productions ng 2027.

