
Nanawagan ang bagong halal na Senate President Sherwin Gatchalian na ituon muli ng Senado ang pansin sa kanilang mga tungkulin matapos ang mga nagdaang usapin at pagbabago sa liderato ng kapulungan.
“Tapos na ang Senateflix, back to work na tayo,” pahayag ni Gatchalian sa kaniyang unang press conference bilang Senate President.
Aniya, prayoridad nilang maipasa ang mga mahahalagang panukalang batas na kabilang sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at ihanda ang Senado para sa nalalapit na impeachment proceedings sa Hulyo.
Dagdag pa niya, “Sa mga susunod na linggo, ilalatag na namin ang mga LEDAC bills na dapat matapos at ang mga preparasyon natin para sa impeachment sa July 6.”
Ayon kay Gatchalian, nais ng mga senador na makabalik sa kanilang pangunahing mandato bilang mambabatas at bilang senator-judges sa mga kasong kanilang hahawakan.
Matatandaang ilang kontrobersiya ang kinaharap ng Senado nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang usapin sa liderato na humantong sa pagpapalit kay dating Senate President Alan Peter Cayetano.
Noong Hunyo 17, nahalal si Gatchalian bilang bagong pinuno ng Senado sa isang special session.
Bagama’t hindi pa sila nagkakausap ni Cayetano matapos ang pagpapalit ng liderato, sinabi ni Gatchalian na bukas ang kaniyang tanggapan para sa lahat ng senador.
“Give me a chance to talk to them, to also set the direction na mag-uumpisa na ng trabaho,” ani Gatchalian
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Senador Robinhood “Robin” Padilla sa bagong Senate President.
Sa isang Facebook post, sinabi niya, “Tinatanggap ng partido si Senator Win Gatchalian sa kanyang pagkahirang bilang bagong Pangulo ng Senado sapagkat nakakuha na siya ng labingtatlong boto na siyang naaayon sa Saligang Batas.”
Iginiit din ni Padilla na wala siyang personal na interes sa naging labanan sa liderato ng Senado at nakabatay ang kanyang boto sa mga adhikain ng kanilang partido.

