The Greatest Show, Men

Chera Mae Factor
By Chera Mae Factor Graphics by Eulyn Shantelle June 17, 2026 at 12:00 AM

Kaliwa’t kanan ang mga diskusyon tungkol sa mga pangyayari sa loob ng Senado nitong mga nagdaang linggo. Tila rollercoaster ng emosyon ang hatid ng mga pangyayaring para bang isang epic na pelikulang hango sa reyalidad ng Pilipinas. Kung may Oscars man sa Senado, tiyak na marami ang magkakandarapang manalo.

Sa bawat pagdinig, mas mabilis pang kumalat ang maaanghang na pahayag kaysa sa mga panukalang batas na sana ay maraming mamamayan ang natutulungan. Sa halip na mga seryosong usapan tungkol sa problemang kinakaharap ng bansa, madalas na umugong ang melodramang personalan at mga linyang halatang para sa kamera.

Tila naging entablado ang Senado ng Pilipinas at ang mga gumaganap ay mga pulitikong mas inuuna pa ang sariling kapakanan kaysa mamamayan.

Sari-saring genre ang ipinamalas ng mga taong niluklok upang pagsilbihan ang publiko. Nariyan ang mala-action movie na habulan sa loob ng Senado noong Mayo 11 na sinabayan ng plot twist na pagpapalit ng liderato. Sinundan ito ng tensyon sa Senado nitong Mayo 13 at ang biglang pagkawala ni Dela Rosa sa kustodiya ng Senado. Hindi rin nagpahuli ang drama na may kasama pang iyakan dahil sa hindi pagkumusta.

Sinabayan pa ng tensyonadong pag-walkout ng minority bloc upang maiwasan ang pagbuo ng quorum tungkol sa diskusyong patakaran sa remote participation kaugnay ng impeachment trial ng bise presidente noong Mayo 26, na siyang ginantihan ng majority bloc nang i-boycott nila ang senado matapos maaresto si Jinggoy Estrada sa kasong plunder.

Nagbigay din ng kalituhan sa taumbayan ang dalawang paksyon ng new majority bloc sa pangunguna ni Senate President Pro-Tempore Win Gatchalian at new minority bloc sa kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano nang makabuo ng quorum dahil sa pagpasok ni Senator Chiz Escudero na dating miyembro ng kampo ni Cayetano nitong Hunyo 3. Naging mainit din ang pagpapalitan ng maaanghang na salita ng dalawang kampo na hanggang ngayon ay hindi pa nawawakasan.

Sa ganitong klima, ang plenaryo ay nagiging lugar na ng kompetisyon, hindi lamang ng ideya, kundi pati impluwensya at naratibo. Ang bawat salitang binibitawan ay may bigat hindi lamang sa konteksto ng batas kundi pati sa kanilang politikal na imahe at pansariling kapakanan. Ang resulta? Ang mga pangunahing krisis at mas mahahalagang usapin ay tila naisasantabi.

Hindi na bago ang tensyon sa pulitika. Ang nakakabahala ay kapag ang mismong institusyon ay nagmumukhang umiikot sa sariling siklo ng krisis at naisasantabi ang tunay na layunin at trabaho—ang pagsilbihan ang publiko.

Kapag ang Senado ay patuloy na nakikita bilang entablado, ang tunay na natatalo ay hindi ang pulitiko kundi ang mamamayan nito. Mga mamamayang patuloy na naghihirap at pinapasahod ang mga pulitiko sa pag-asang pagsilbihan naman nila ang publiko. Mamamayang umaasang ang kanilang mga kinatawan ay nakatuon sa paglutas ng suliranin ng bansa.

Hindi na lang dapat tayo nagtitiis sa ganitong bulok na sistema. Tayong mga nasa laylayan ang naghihirap habang ang mga nasa tuktok ay ginagawang entablado ang gobyerno. Hangga’t nahahati sa dalawa ang ating bayan, hindi natin makakamtan ang pagkakaisa. Wala sa kulay, kampo, o liderato ang batayan.

Ang gobyerno ay hindi entablado. Isa itong trabaho na kailangang pagsilbihan ang publiko. Hindi para sa anumang uri pasismo.

ABOUT THE WRITER

Chera Mae Factor

Chera Mae Factor

JourKnows Volunteer

Driven by the passion to be a voice for those who can't be heard, Chera is a student journalist and serves as a volunteer in JourKnows who writes with rage and strong passion to call out evil and open the eyes of the blind. Beyond the newsroom, she enjoys writing novels hoping to reach the right people.

Community Discussion