
Inaasahang tatalakayin nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at pangulo ng Russia na si Vladimir Putin ang seguridad sa pagkain at enerhiya sa isang bilateral na pagpupulong sa gilid ng ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, Russia, sa Hunyo 17 hanggang 18, 2026.
Ayon kay ASEAN 2026 Philippines spokesperson at Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Dominic Xavier Imperial, ang pagpupulong ay kasabay ng ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Russia ngayong taon.
“The meeting will most likely focus on food security and energy security –that is mutually important for both countries, for the Philippines and Russia,” ani Imperial sa isang Palace briefing noong Hunyo 14.
Dagdag pa ni Imperial, inaasahang magpalitan ng pananaw ang dalawang lider hinggil sa mga pangrehiyon at international developments, kabilang ang mga isyung nakaaapekto sa pandaigdigang suplay ng pagkain at enerhiya.
Magaganap ang nasabing pagpupulong, kung saan si Marcos, bilang ASEAN Chair, ay makikipapamuno bilang co-chair sa mga talakayan kasama si Putin na magmamarka sa ika-35 anibersaryo ng ASEAN-Russia Dialogue Relations.
Ayon sa DFA, susuriin ng summit ang progreso ng ASEAN-Russia Strategic Partnership at tatalakayin ang pagtutulungan sa mga larangan tulad ng energy at food security, science and technology, trade and investment, turismo, edukasyon, palitan ng kultura, at people-to-people relations.
Sinabi ni Imperial na ang paglalakbay ni Marcos ay ang kaniyang unang pagbisita sa Russia bilang Pangulo.
Idinagdag niya na ang summit ay inaasahang magpapatibay ng mga pangunahing dokumento, kabilang ang Kazan Declaration 2026 at ang ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026-2030, na magsisilbing roadmap para sa hinaharap na kooperasyon.
Bukod sa seguridad sa pagkain at enerhiya, sinabi ni Imperial na ang mga talakayan sa pagitan nina Marcos at Putin ay maaari ding sumaklaw sa turismo, edukasyon, agham at teknolohiya, at kooperasyong pangkultura habang ang dalawang bansa ay naghahangad na higit pang palalimin ang kanilang ugnayang bilateral.
Nagtatag ang Pilipinas at Russia ng diplomatikong relasyon noong 1976 at ginugunita ang ika-50 anibersaryo ng partnership ngayong taon.

