
BALANGA CITY, Bataan — Pinabulaanan ni Sen. Jinggoy Estrada ang mga pahayag na hindi na umano siya makadadalo bilang isang ‘senator-judge’ sa nalalapit na paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ang nabanggit na isyu sa kamakailang pagkakaaresto kay Estrada kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.
Sinundan ng ilang pahayag at saloobin ang kanyang pagkakaaresto, kung saan kinokonsidera na hindi na umano magagampanan ni Estrada ang kanyang tungkulin bilang isa sa mga tagahukom ng impeachment trial.
Magkagayon man, mariing idiniin ng senador na hindi pa umano ganap ang kanyang suspensyon mula sa Senado upang hindi siya mapahintulutang lumahok sa impeachment proceedings.
“Until a final and binding ruling is rendered, any assertion that I have been stripped of my authority to discharge my constitutional duties as a senator-judge is premature, baseless and undermines the integrity of the impeachment process itself,” ika niya.
Idinagdag din ni Estrada na nagbabalak ang kanyang kampo na magsumite ng kumentong oposisyon upang remedyahin ang mga hakbanging siya ay suspendihin sa kanyang pwesto.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na deklarasyon kung matutuloy ang pagiging tagalitis ni Estrada sa nakatakdang pagpapatuloy ng impeachment proceedings sa ika-6 ng Hulyo.

