Pagbangon ng Mindanao, prayoridad ng pamahalaan matapos ang malakas na lindol

France Louie Palos
By France Louie Palos Graphics by Joshua Lian Cawilan June 10, 2026 at 12:00 AM

Nakatuon ngayon ang pamahalaan sa agarang pagtugon at rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad matapos ang 7.8-magnitude na lindol na tumama sa baybayin ng Mindanao noong Lunes, Hunyo 8, na ikinasawi ng hindi bababa sa labingsiyam  na katao at ikinasugat ng 129 iba pa.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang lindol dakong 7:37 ng umaga malapit sa baybayin ng Sarangani at General Santos City. 

Dahil sa lakas at babaw ng pagyanig, agad na naglabas ng tsunami warning ang Pilipinas, Indonesia, Japan, at iba pang karatig-bansa bilang pag-iingat.

Kasunod ng pagsusuri ng mga awtoridad, inalis na rin ang karamihan sa mga tsunami warning matapos matiyak na humupa na ang banta sa mga baybaying lugar. 

Gayunpaman, nananatiling nakaalerto ang mga residente dahil sa posibilidad ng malalakas na aftershock.

Sa pahayag ng Malacañang, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang mobilisasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang magsagawa ng search and rescue operations, maghatid ng ayuda, at tiyakin ang kaligtasan ng mga naapektuhang mamamayan.

Hinikayat din niya ang mga residente sa mga baybaying komunidad na sumunod sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad at lumikas sa mas mataas na lugar kung kinakailangan.

Patuloy namang nagsasagawa ng damage assessment ang mga lokal na pamahalaan at mga engineering team upang matukoy ang lawak ng pinsala sa mga gusali, kalsada, paaralan, at iba pang imprastraktura. 

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahalaga ang mabilis na pagsusuri upang mapabilis ang paghahatid ng tulong at pagsisimula ng rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.

Samantala, patuloy ang beripikasyon ng mga awtoridad sa bilang ng mga nasawi, nasugatan, at nawawala habang nagpapatuloy ang search, rescue, at relief operations sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

ABOUT THE WRITER

France Louie Palos

France Louie Palos

JourKnows Staffer

France Louie Palos serves as a JourKnows Staffer under the News Desk Department

Community Discussion