Panibagong ₱300M Notice of Disallowance laban sa OVP, inilabas ng state auditors — Ridon

John Brent Abo
By John Brent Abo May 20, 2026 at 12:00 AM

Inihayag ni Terry Ridon, chairperson ng House Committee on Public Accounts, na naglabas ang state auditors ng panibagong Notice of Disallowance (ND) laban sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), na nagkakahalaga ng ₱300 milyon.

Nauna nang kinumpirma ng Commission on Audit (COA) ang ND kaugnay ng ₱73 milyong confidential funds na ginastos mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

“These are two different matters. As far as the ₱73 million is concerned, tapos na iyon sa [that is finished with the] COA. If they still want to contest it, the next step is no longer within the COA process but before the Supreme Court,” ani Ridon, na miyembro rin ng House justice panel na tumatalakay sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Dagdag pa niya, “But there is also a new notice of disallowance covering at least ₱300 million in confidential funds. So hindi ito nagtatapos sa naunang kaso, dahil may hiwalay na ND na pinag-uusapan ngayon.”

Ipinaliwanag ni Ridon na ang ₱73 milyong disallowance ay may pinal na desisyon na nagtatakda ng personal na pananagutan sa mga opisyal na sangkot.

“Kapag naging final ang finding ng COA, hindi na ito usapin ng opisina lamang. May personal na pananagutan na ang mga pinangalanan sa disallowance,” aniya.

Samantala, ang mas bagong halagang ₱300 milyon ay patuloy pang sinusuri at wala pang pinal na desisyon sa audit process.

Ayon pa kay Ridon, ipinapakita ng panibagong disallowance na hindi iisang insidente lamang angisyu sa confidential funds, kundi maaaring bahagi ng mas malawak na pattern ng mga transaksyon na kasalukuyang sinusuri.

“To be clear, the recurring issue is still the same: hindi nila maipakita nang maayos ang mga report at supporting documents para mapatunayan ang paggamit ng confidential funds,” ani Ridon.

Batay sa COA Circular No. 2009-006, ang Notice of Disallowance ay inilalabas ng mgaauditors para sa mga transaksyong itinuturing na irregular, hindi kinakailangan, labis, o maluho, gayundin sa mga iligal na paggasta, at maaaring buo o bahagi lamang ng halaga.

Noong Marso 25, sinimulan ng House Committee on Justice ang pagdinig kaugnay ng impeachment complaints laban kay Duterte, na hindi dumalo sa mga pagdinig noong Marso 25 at Abril 14.

Sa pagdinig noong Abril 14, inilabas din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang forensic findings sa mga acknowledgement receipts na umano’y patunay ng pagtanggap ng confidential funds mula sa Department of Education noong panahon ni Duterte bilang kalihim, gayundin sa OVP.

Ayon sa NBI, bagama’t magkakaiba ang mga pangalan, may pagkakapareho umano ang mga pirma ng ilang recipients, kabilang sina Sally Rendon at Sheila Dado.

Nakatakda ang susunod na mga pagdinig sa Abril 22 at 29.

Ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte ay kinabibilangan ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds, pati na rin ng iba pang seryosong alegasyon.

ABOUT THE WRITER

John Brent Abo

John Brent Abo

JourKnows Staffer

John Brent Abo is a News Writer who has been involved in journalism for several years. His work mainly focuses on stories that need to be seen and heard, especially issues and experiences that are often overlooked by society. Through his writing, he dedicates his work to people who struggle to have their voices recognized and understood. Outside the newsroom, Brent enjoys spending time with animals and watching boys’ love films and series during his free time.

Community Discussion